Tatlong lalaki ang nadakip ng mga operatiba ng Linapacan Municipal Police Station (MPS) habang apat na iba pa ang nakatakas nang pasukin ng mga pulis ang isinasagawa nilang iligal na tupada sa Barangay San Nicolas, dakong 3:30 ng hapon, araw ng Linggo, Mayo 9.
Ang mga nadakip ay kinilalang sina Leomer Abordo Aniete, Jomedes Tabique, at Jhonny De La Peña.
Nakuha sa lugar ng iligal na tupada ang 18 sasabungin na manok kung saan tatlo dito ay patay na, 12 piraso ng tari, iba pang mga gamit pangsabong, at P3,200 na perang ginamit na pamusta.
Ayon kay P/Lt. Alan delos Santos, hepe ng Linapacan MPS, sinabi ng mga nahuling suspek na alam ng ilang barangay officials ang nagaganap na sabong.
Dagdag pa niya, kasamang nakatakas ang isang “Alyas Wilson” na siya umanong pasimuno ng tupada sa lugar bilang pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
“Ganyan kasi sa lugar na ito, may iilan talaga, lalo na kapag mapepera kapag nagbi-birthday, nagpapasabong sila. Kasama siya sa nakatakas, pero identified siya ng mga suspek na hawak natin,” pahayag ni delos Santos.
Kabilang din sa mga nakatakas ang isang dating pulis at miyembro ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) dahil sa ilang ebidensiyang naiwan sa lugar nang magtakbuhan ang mga ito.
“May naiwan siyang telepono na pag-aari ng kanilang opisina. Pero titingnan pa rin natin, magsasagawa pa rin tayo ng imbestigasyon tungkol dito,” paliwanag ni delos Santos. “Nilabag ng mga ito ang health protocols na ipinaiiral sa gitna ng pandemic dulot ng COVID-19, Lalo pa at ang ibang namataang suspek na nakatakas dito ay ilan sa mga nagpapatupad nito,” dagdag niya.
Ang mga suspek, kasama ang ibang nakatakas, ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1602 o illegal gambling, at paglabag sa mga pinaiiral na health protocols.
