Tatlong lalaki ang inaresto ng awtoridad matapos na maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na sabong (tampor) sa Sityo Canumay, Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza nitong araw ng Martes, Marso 1.
Ang mga suspek na kinilalang sina Ibrahim Querona Paniap, 43; Haire Josim Gorin, 33; at Junior Makbura Asadi, 43, ay mga residente ng nabanggit na barangay.
Nakuha sa lugar ang apat na parawakang manok, isang box, at perang nagkakahalaga ng P300.
Ayon kay P/Maj. Dhennies Acosta, hepe ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), mabilis na nakatakas ang iba pang tao sa lugar matapos silang magdeklara ng raid.
Bagama’t hindi naman daw talamak sa lugar ang tampor, o ang sabong gamit ang mga parawakang manok ay ipinagbabawal pa rin ito.
“Minsan lang may mga ganitong aktibidad sa mga liblib na lugar dito sa bataraza. Nangyayari lang yan kapag may mga selebrasyon sa lugar, tapos may mga tindahan ng mga ihaw-ihawan or kahit ano. Para mas maraming taong pumunta mag-o-organisa sila nitong ganitong klase ng sabong,” pahayag ni Acosta.
“Ang tampor, ito kasi ang sabong na gamit lang ‘yung mga manok na parawaka. Walang tari yun, patagalan lang ng buhay,” dagdag niya.
Nasa kustodiya na ng Bataraza MPS at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw para sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling.
