Tatlong kabataan ang naaksidente noong hapon ng Enero 14 sa national highway sa Barangay Lucbuan sa bahaging norte ng Puerto Princesa City matapos bumangga ang motorsiklo na kanilang sinasakyan sa isang van.
Hindi na umabot sa pagrereklamo ang sino man sa mga kabataan at driver ng van dahil nagkasundo na umanong magkaayos ang mga ito sa lugar kung saan nangyari ang aksidente, ayon sa Puerto Princesa City Police Station 1.
Samantala, ayon sa pasahero ng van na si Eric John Cayao na nagbahagi rin sa Palawan News ng ilang mga larawan, patabi na ang van na kanilang sinasakyan ng biglang may sumalpok na motorsiklo sa kanilang likuran sakay ang tatlong kabataan na hindi na rin niya nakuha ang pangalan.

“[Ang] sakay ay tatlong kabataan na ang sabi ng mga tao doon ay mga taga San Rafael. Malubha ang sakay na babae ng motor dahil pagbagsak nila ay biglang nangisay. Mabilis ang takbo ng motor, at ayon sa mga nakalapit sa mga biktima, nakainom diumano ang driver ng motor,” pahayag pa ni Cayao.
“Kaming mga nasa van, okay naman at walang nasugatan, maliban sa baling bumper ng van sa likod,” dagdag pa nito.
