SAN VICENTE, Palawan — Nagtala ng tatlong bagong kaso ng COVID-19 ang bayan na ito, ayon kay municipal health officer Dra. Mercy Grace Pablico, ngayong Miyerkules, Mayo 19.
Ang mga bagong naitalang kaso ay kinabibilangan ng isang babaeng edad 23 na naninirahan sa Barangay Caruray, at dalawang lalaki naman na may edad 42 mula sa Sitio Panindigan, Barangay Poblacion at 63 taong gulang mula sa Brgy. Alimanguan. Napag alaman din na ang mga ito ay bumiyahe sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang naunang dalawa ay sumailalim sa rapid antigen test noong Mayo 15 at nagpositibo, dahilan upang dalhin sila sa isolation facility ng bayan. Mayo 16 naman nang isailalim sila sa RT-PCR.
Ang 63 taong gulang naman na mula sa Brgy. Alimanguan ay kasalukuyang nasa Ospital ng Palawan (ONP) sa Puerto Princesa dahil sa ibang sakit, ngunit naging positibo din sa isinagawang RT-PCR test kaya dito rin naibilang ang kanyang kaso.
“Dahil sa patuloy na pag taas ng kaso ng covid sa mga kalapit na munisipyo at sa lungsod ng puerto princesa maging sa atin ngayon dito, ay patuloy pong pinag-iingat ang lahat ng mga residente ng san vicente” muling paala-ala ni Pablico.
Sa ngayon ay may apat na aktibong kaso ng COVID ang bayan na ito habang may lima pang hinihintay na resulta ng RT-PCR test.
