Patuloy ang pagtala ng kaso ng COVID-19 sa bayan ng Roxas kung saan tatlong kaso ang muling naidagdag noong araw ng Lunes, Mayo 24, ayon sa municipal health officer na si Dr. Leo Salvino.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng tatlong lalaki kung saan ang dalawa ay 21 at 29 taong gulang mula sa Barangay Tagumpay at ang isa ay 36 tang gulang mula sa Barangay 3.
Ayon kay Salvino, ang tatlo ay magkasunod na isinailalim sa rapid antigen test at RT-PCR nitong nakaraang linggo at ang resulta ay dumating ng Lunes ng umaga. Dagdag pa niya, hindi naman kinakitaan ng anumang sintomas ang mga ito.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Salvino sa mga mamamayan ng Roxas na patuloy na sundin ang health standards na ipinaiiral sa bayan.
“Ipagliban muna ang pagpunta sa Puerto Princesa City kung hindi importante o emergency ang sadya. Huwag din muna tumanggap ng bisita na galing sa Puerto o Manila at iwasan ang mga pagtitipon,” pakiusap ni Salvino.
