Ligtas at sinisigurong nasusunod ang health protocol sa bayan ng Busuanga habang ipinagdiriwang nito ang “7th Tarahomonan Festival” na nag-umpisa noong December 5 at magtatagal hanggang sa December 16.
Tiniyak ang bagay na ito ni Busuanga mayor Elizabeth Cervantes na nagsabing lahat ng mga pumapasok sa Municipal Hall Building grounds ay talagang tsinitsek ang pagsunod sa health and safety protocols.
Aniya ang ibig sabihin ng “tarahomonan” ay “pagtutulungan” lalo na’t kailangan ngayon ng mga BusuangueƱo na magtulungan para mabuhay muli ang kabuhayan at turismo sa kanilang bayan. Ang festival ay kanilang ginagawa sa ilalim ng Local Economic Recovery Program (LERP) upang mapanumbalik ang sigla at produksyon ng mga iba’t-ibang produkto sa kanilang bayan.
Sabi ni Cervantes,walang magarbong aktibidad ang makikita sa loob ng ground activity ng Tarahomonan kundi mga kubol lang ng 14 na barangay para sa “Barakalan sa Dalan”. Ang mga ito ay para sa pagbebenta ng mga inaning gulay ng mga magsasaka at iba pa.
“Dahil medyo iwas pa rin tayo sa mass gathering talaga, nag-celebrate na lang po tayo kahit papaano pero limited ang oras at regulated ang lahat. Kapag papasok sa ground para tumingin sa barakalan, they need to sign up sa logbook, mag-sanitize ng kamay ng alcohol, at dapat may suot na face mask — regulated kasi ito ng municipal inter-agency task force (MIATF) natin,” sabi niya.
“Hanggang alas syete ng gabi lang po talaga ang barakalan natin, at need nating sumunod sa mga regulation na ipinatutupad ng ating MIATF,” dagdag niya.
Ayon kay Cervantes, gabi-gabi niyang pinapa-inspeksyon sa MIATF at mga contact tracers ang lahat ng galaw ng mga pumapasok sa barakalan at mahigpit nitong bilin na ipatupad ng mahigpit ang “No face mask, No entry”.