Ipapatupad sa bayan ng Rizal simula ngayong ikalawang linggo ng Pebrero ang “Tapat ko, Linis Ko Ordinance” sa ilalim ng Clean and Green Program (CGP) ng Municipal Environment and Natural Resources (MENRO).
Sa ilalim ng Municipal Ordinance 2022-023 na iniakda ni Vice Mayor Maria Gracia Zapanta noong Nobyembre 2022, ay inoobliga nito ang mga residential house, business establishment, at public at private institution na panatilihing malinis ang kanilang mga lugar.
Inatasan naman ang MENRO na siyang mangunguna sa Clean and Green Evaluation Committee upang tiyakin na nasusunod ng lahat ng 11 barangays ang ordinansa.
Napapaloob rin sa kautusan ang segregation policy kung saan ipapatupad ng mga garbage collector sa ilalim ng Solid Waste Management ang No Segragation, No Collection Policy.
“The MENRO strictly implemented the “No Segregation, No Collection” kaya pag hindi segregated ang basura sa Barangay MRF iniiwan po talaga ng mga MENRO Collectors natin yan,” ayon kay MENRO Jenel Joy Torres.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay magmumulta ng P500 para sa first offense, P1,500 para second offense, at P2,500 naman sa 3rd offense.
Samantala, magbibigay naman ng pabuya ang pamahalaang lokal sa mga makakasunod sa nasabing ordinansa kung saan pipili ang evaluation committee ng Cleanest and Greenest Barangay bawat taon na makakatanggap ng P1,000,000 na halaga ng proyekto na magmumula sa 20 percent ng Development Fund (DF).
Bilang tugon ay nakipagpulong na rin si Torres sa 11 kapitan noong Miyerkules,Pebrero 8, kung saan hiniling nito sa mga punong barangay ang kooperasyon sa ordinansa tungo sa malinis na pamayanan sa bayan ng Rizal.