Oct 26, 2020

Talipapa sa lungsod, kumita sa pagsasara ng mga palengke

Ayon kay Herman Estrella, may-ari ng isang puwesto sa talipapa ng Barangay San Jose, nagkaroon ng pagtaas ng benta at ng bilang ng mga mamimili mula nang magkasunod na magsara ang mga palengke dahil sa ginawang decontamination ng pamahalaang panlungsod.

Tumaas ang kita ng ilang mga talipapa sa lungsod matapos ang saglit na pagsasara ng old at new public markets nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Herman Estrella, may-ari ng isang puwesto sa talipapa ng Barangay San Jose, nagkaroon ng pagtaas ng benta at ng bilang ng mga mamimili mula nang magkasunod na magsara ang mga palengke dahil sa ginawang decontamination ng pamahalaang panlungsod.

“Malaki ang pagbabago [sa kita] kasi ang mga tao na dating pumupunta dyan sa New Market dito na sila bumibili sa talipapa dahil nagsara sila saglit at mas malapit dito. Mula kahapon maganda ang benta namin. Dati nakakabenta lang kami ng P2000 sa isang araw, kahapon nadagdagan ng P1,500 kaya P3,500 po ang naiuwi namin,” pahayag ni Estrella noong Linggo.

Matatandaang noong Hunyo 29, inanunsyo ni city information officer Richard Ligad ang pansamantalang pagsasara ng mga pamilihang bayan bilang pagtalima sa ipinatutupad na health protocols ng lungsod upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Aminado naman ang mga nagtitinda sa talipapa na ang pagtaas na ito ay maaaring mahinto kapag nagbukas na ang mga palengke lalo na ang New Market. Kaya naman sila ay nananawagang nawa’y patuloy pa ring tangkilikin ng publiko ang mga talipapa sa lungsod.

 

 

“Alam din namin na babalik din sa dati ang kita. Pero sana patuloy pa ring bumili dito ang mga kostumer lalo na kung gusto nila ng mas malapit na mabibilhan”, dagdag ni Estrella.

Kasabay ng panawagan sa mga mamimili na suportahan pa rin ang kanilang mga produkto, inihayag naman ng mga tindera sa talipapa sa Brgy. Sicsican ang mga bentahe ng pagbili sa mga katulad na puwesto kung ikukumpara sa pagbili sa mga pamilihang bayan.

“Sana tangkilikin din nila ang talipapa kasi naman para kami may kita rin at syempre mas maganda rin ang talipapa dahil katulad dito sa Sicsican, malapit, hindi siksikan kaya makakaiwas din sila sa virus, hindi na nila kailangan pang mamasahe at mas mura pa [ang bilihin]”, ani Nenita Rosales, tindera sa Sicsican talipapa.

Inamin naman ng mga nagtitinda sa talipapa ng Brgy. Tagburos na ang pagtaas na ito ay hindi pa rin maikukumpara sa dati nilang kinikita noong wala pang pandemya.

“Pero kung i-compare natin sa panahon na wala pang COVID, talagang malakas at maganda po ang bentahan noon kasi po maraming dumadaan na turista. Kadalasan, ilang van po ang humihinto at bumibili sa amin. ‘Yong iba po na pauwi sa mga munisipyo nila dito po sa amin bumibili ng pampasalubong”, ani Neng Maratas, tindera sa Tagburos talipapa.

Ang mga talipapa sa Brgy. Tagburos, San Jose, at Sicsican ay kilala sa mga sariwang isdang kanilang binebenta dahil ang mga lugar na ito ay malapit sa dagat at nagiging bagsakan ng mga bagong huling isda.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry