Personal na isinuko ng kanyang ina ang tumakas na detenido na si ReneJay Belviatura sa Capitol, bandang ala una kahapon, Marso 9.
Ayon kay provincial information officer Atty. Christian Jay Cojamco, personal na isinuko ng kanyang ina si Belviatura kay retired colonel Gabriel Lopez, ang warden ng Provincial Jail Management Division (PJMD).
Ang pagsuko ni Belviatura ay sa pakikipagtukungan na din ng tracking team na binuo ng provincial jail.
“He voluntarily surrendered dito sa Capitol before jail warden Gabby Lopez,” ayon kay Cojamco.
Sa pahayag pa ni Cojamco, sinabi nito na noong Sabado, Marso 5, tumungo sa Brooke’s Point ang team kung saan residente si Belviatura at kinausap ang magulang nito.
“Last Saturday kasi, pumunta sila sa Brookes Point, kung saan nakatira si Belviatura. Doon sa magulang niya, kinausap ang nanay niya at ang sabi, di pa kumukontak ang anak niya sa kanya,” pahayag niya.
“Kinumbinsi pa rin natin ang nanay na if ever na kumontak ang kanyang anak o umuwi, kumbinsihin ito na sumuko na lang, kasi mas nanganganib naman ang buhay niya kung sa kalsada o kung saan saan siya nagtatago, mas mapapahamak ang kanyang buhay,” dagdag ni Cojamco.
Aniya, bago umalis ang kanilang grupo sa bahay ng ina ni Belviatura, nag-iwan sila ng numero na maaaring makontak. Ipinangako sa nanay nito na magiging ligtas ang kanyang anak, taliwas sa ikinatatakot nito.
“Kasi ang nakukuha naming impormasyon ay kaya di siya sumusuko natatakot siya sa kanyang kaligtasan at may gawing masama ang mga kasamahan niya sa loob ng selda,” ayon pa kay Cojamco.
Ang naging rason ng suspek sa ginawang pagtakas ay dahil sa takot nito at mga banta sa kanyang buhay sa loob ng provincial jail. Sabi ni Cojamco, confidential na ang ibang detalye, ngunit ang takot para sa buhay ang binabanggit ni Belviatura.
“Ang kanyang reason ay confidential. But, basically, nangangamba siya sa kanyang buhay doon sa loob ng provincial jail kaya siya tumakas. Ang kanyang ikinatatakot ay hindi galing sa mga jail guards, but sa mga kasamahan niya sa loob,” sabi nito.
Idiniin din ni Cojamco na walang nagpalabas dito katulad ng mga komento sa social media. Sinabi umano ng suspek na mag-isa itong lumabas ng building sa pamamagitan ng pagdaan sa kisame ng kanilang selda.
Ayon naman sa binuong tracking team, paglabas ni Belviatura sa kulungan, una itong nagtago sa Barangay San Jose, at saka lumipat ng Honda Bay sa Brgy. Sta. Lourdes.
“Nasusundan siya ng ating tracking team, nagkataon lang na pagpunta natin sa mga area di siya naabutan, hanggang sa nakauwi na siya sa kanyang mga magulang,” pahayag nito.
Mula sa selda nito sa main building ng provincial jail, pansamantala munang nasa Annex Building si Belviatura para masiguro ang kaligtasan nito, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
