Isang babae ang inireklamo ng isang katutubong Tagbanua matapos ang umano’y pananakit at pambubugbog nito sa kanya sa Sitio Kasikaan, Barangay Bacungan, lungsod ng Puerto Princesa dakong alas dyes ng umaga kahapon, Miyerkules, Pebrero 2.

Ang nagrereklamo at nag-aakusa na siya ay sinaktan ay si Jerelene Manga na nabibilang sa katutubong Tagbanua, samantalang ang kanyang inirereklamo ay kinilalang si Evelyn Daquer, o mas kilala sa lugar sa pangalan na Bing Daquer.

Nag-umpisa ang gulo sa pagitan ng dalawang babae dahil sa madalas daw na pagpaparinig ni Daquer ng mga salitang magnanakaw si Manga, at ipatatawag ito sa barangay.

Dahil daw sa napapadalas ang ganitong gawi nito kapag napapadaan sa bahay niya, pinili daw nito na abangan sa isang lugar si Daquer, para “komprontahin” sa nagiging asal nito sa kanya.

- Advertisement -

Ibig sana niyang “komprontahin” si Daquer dahil sa banta nito na siya ay ipapa-barangay dahil sa mga umano ay ninakaw niyang mga plato, kutsara, damit, kumot, tuwalya at mga grocery item nang minsan na siya ay pumunta sa bahay ni Daquer.

Ngunit noong magkita sila ni Daquer noong hapon ng Pebrero 2 ay umabot sila sa komprontasyon at saka bigla siya diumanong pinagtutusok nito at pinaghahampas gamit ang “bugsok” o may kahabaan na kahoy na ginagamit sa pag-uuling.

Pahayag pa ni Manga, pinagbantaan din siya ni Daquer na papatayin. Sa katanuyan, may nakasaksi rin umano na tinangkang agawin ni Daquer ang itak ng isang lalaki na nasa lugar.

“Inaabangan ko lang siya para tanungin sana kung ano ang mga gingpangkuha ko doon sa kanyang bahay, uminit kaagad ang kanyang ulo, sabi niya ‘magnanakaw kayo, lahat kayo magnanakaw’ sabi niya sa akin. Tapos sabi niya tara, halika dito, dito ka para malaman natin kung sino ang magnanakaw ,” pahayag ni Manga.

“Tapos doon niya na po ako inaway, tinutusok niya na ako ng kahoy na matulis, sabay binato niya ng kaluban yong noo ko. Tapos sabi niya ‘pahiramin niyo ako ng gulok, patayin ko na lang ang bata na yan’,” kuwento pa ni Manga.

Pinabulaanan naman ito ni Daquer at sinabing nasa barangay na ang usapin dahil nauna na rin siyang nagsampa ng reklamong pagnanakaw laban kay Manga.

Kuwento naman niya, si Manga ang naunang nagsisisigaw, pinagmumura siya, at sinundan-sundan.

“Walang pambubugbog na nangyari, dahil hindi kami nagkaabutan. Siya ang nagsisisigaw sa akin, pinagmumura niya ako hanggang sa sinundan niya ako ng sinundan,” pahayag ni Daquer.

“Nagtatanong lang ako sa kanila dahil nandoon sa kanila ang ninakaw nila at hindi ako nambibintang. Noong una binalik nila pero di ko tinanggap dahil kulang,” dagdag niya.

Ayon naman kay Tagbanua indigenous peoples mandatory representative (IPMR) Precila Gano ng Bacungan, hindi nila palalampasin ang ginawang pananakit ni Daquer kay Manga.

Ipinahayag niya na sana ay magkaroon din si Daquer ng respeto sa mga katutubo.

“Gusto ko lang talaga na maibigay ang karapatan nila, kasi sa tingin ko kami ay napakababang lebel na, tapos patuloy pa kaming naaapakan. Sana matulungan din ang mga miyembro ko sa mga ganyang pang-aapi,” pahayag ni Gano.

“Kay Bing, sana respetuhin niya din kaming mga IP, kung may reklamo siya dalhin niya sa barangay. Pero [para] saktan niya at bugbugin ang kabataan, maawa naman siya. Hinding-hindi kami papayag na mga IP na hindi siya mapatawan ng parusa, dahil hindi ito ang kauna-unahang may ganitong pangyayari,” dagdag niya.

Previous articleMENRO-Quezon nagsagawa ng tree planting sa Balaybayen Falls sa Brgy. Berong
Next articlePLDT, Smart Odette aid extend beyond VisMin, serving communities in Palawan
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.