Mga ibat ibang uri ng ibon na nakumpiska sa pangangalaga ng suspek na si Arlene Ferriol

Isang lalaki ang inaresto ng awtoridad matapos na makuha mula sa kanya ang iba’t-ibang uri ng buhay-ilang sa Barangay Libtong, Roxas sa lalawigan ng Oriental Mindoro noong Lunes, Abril 19.

Ang suspek ay kinilanang si Arlene Petalsana Ferriol, alyas Bunz Ferriol.

Sa report ng mga awtoridad, nahuli ito matapos magpanggap na mga poseur buyer ang grupo ng Oriental Mindoro Maritime Police Station 4B-02 kasama ang mga tauhan ng CENRO Roxas, Oriental Mindoro Forester II/Chief, MES.

“Ang bentahan ay online (Facebook), nakipag-transact kami sa kanya at nang magkasundo, doon nga nakita namin na marami siyang mga alagang ibon sa bakuran niya,” pahayag ni IOC-Pat Jacob Agnos, imbestigador ng kaso.

Dagdag pa nito, nagsimula si Ferriol sa pag-aalaga lang ng mga kalapati na nauwi na nga sa pangongolekta ng iba’t-ibang uri ng ibon.

Nakuha umano nila Ferriol ang mga alagang ibon sa mga katutubo mula sa bundok.

“Hobby niya na ang pag-aalaga ng mga kalapati. Pero hindi na niya nasabi kung gaano katagal na siyang nag-aalaga ng mga wildlife. Nabibili niya ito sa mga katutubo na bumababa galing sa mga bundok malapit lang din sa area niya,” dagdag pa ni Agnos.

Nakuha sa suspek ang apat na piraso ng  Eaurasian Collared Dove, isang piraso ng Eaurasian White Pigeon, dalawang piraso ng Thick-billed Green Pigeon, dalawang piraso ng Red Turtle Dove, isang piraso ng Whistling Green Pigeon, isang piraso ng Metallic Pigeon, dalawang piraso ng Brahminy Kite, tatlong piraso ng White Eared Dove, at dalawang piraso ng pugo.

Nasampahan na ng kaso na paglabag sa Section 27(f) of RA 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act” ang suspek habang dinala naman sa CENRO Roxas sa Brgy. San Mariano, Roxas, Oriental Mindoro ang mga nakumpiskang ibon.

Previous articlePuerto Princesa City now in the grip of a COVID-19 crisis
Next article4,000 pamilya, tumanggap ng bigas para sa food-for-work program sa San Vicente
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.