Ayon kay Iny Lourdes Peroy ng MENRO San Jose, malaking tulong ang zero waste technology machineries, sa pagresolba ng problema sa basura ng San Jose. (Voltaire N. Dequina)

SAN JOSE, Occidental Mindoro  — Sustainable waste management ang hatid ng mga bagong makinaryang binili ng pamahalaang lokal para ito na gawing kapaki-pakinabang na mga produkto ang basura o mga bagay na itinapon na.

“Maiko-convert ang mga plastic upang magamit as paving blocks,” saad ni Peroy, “makakagawa rin ng organic fertilizer at bricket charcoal.”, ayon kay Lourdes Peroy, opisyal ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO).

Inaasahang malaking tulong sa pagresolba ng lumalalang problema sa basura ng San Jose ang P24 milyon halaga ng Zero Waste Technology Machineries na binili kamakailan ng pamahalaang lokal ng bayang ito.

Kabilang sa mga makinaryang binili ng munisipyo ang sorting converyor with hopper para sa mas epektibong paghihiwa-hiwalay ng mga basura, rapid composter, waste pulverizer, waste crusher, waste mixer, vertical bailing machine at ang paving block machine na siyang gamit upang bumuo ng paving brick (kadalasang gamit bilang pathway bricks sa mga hardin) at interlocking bricks (gamit bilang pader).

“Marami nang bayan ang gumagamit ng teknolohiyang ito,” saad ni Peroy na aniya’y katunayan ng pagiging epektibo ng mga makinarya.

Paliwanag pa ng opisyal, sa pamamagitan ng zero waste technology machineries, tanging mga hazardous wastes (tulad ng bombilya at battery ng sasakyan) na lamang ang mapapatambak sa sanitary landfill.

“Ito naman ay kabilang sa isinumite nating 10-year waste management plan at pumasa sa National Solid Waste Management Council,” ayon pa kay Peroy.

Ang mga makabagong makinarya ay binili ng pamahalaang bayan sa C & G Environmental Management Corporation at inaasahang magsisimula ang operasyon ng mga ito bago matapos ang kalagitnaan ng 2019.

Samantala, ipinapaalala ng LGU sa mga mamamayan nito na maigting na ipatutupad ang Municipal Ordinance 831 na nagbabawal sa paggamit ng non-biodegrable plastic at Municipal Ordinance 849 na nagbabawal naman sa pagkakalat at pagtatapon ng basura sa mga di-tamang lugar. Patuloy na binibigyang-diin ni San Jose Mayor Romulo Festin na higit sa mga makinarya at teknolohiya, ang tunay na solusyon sa problema sa basura ay nakasalalay sa displina ng mga mamamayan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

About Post Author

Previous articlePDEA declares Bondoc, Calapan as drug-cleared barangay
Next articleBagong jail facility sa Odiongan, itatayo ng BJMP MIMAROPA