SAN VICENTE, Palawan – Pormal na pinasinayaan ang programang Sustainable Agriculture for New Villa Fria/Kemdeng Enterprises, organic farming, at concreting ng farm-to-market road sa Barangay New Villa Fria noong Biyernes, Mayo 14.
Ang programang nabanggit ay bahagi ng Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) sa ilalim ng Executive Order No. 70 na layuning itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Palawenyo.
Kabilang sa mga dumalo si Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue, mga kapitan ng iba’t-ibang barangay ng San Vicente, Sangguniang Bayan members, mga katutubo, Marine Battalion Landing Team-3, at San Vicente Municipal police Station.
Ayon kay Dr. Romeo Cabuncal, provincial agriculturist, isa sa mga prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang sektor ng agrikultura na nakatuon sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga magsasaka at mangingisda, matugunan ang kanilang pangangailan, at maitaguyod ang hinahangad na kapayapaan
Dagdag ni Cabungcal, malaki ang magiging bahagi o ambag ng Sustainable Agriculture for New villa Fria/Kemdeng Entreprises project sa pagkakaroon ng sapat na kita ng mga magsasaka at dagdag produksyon para sa kasiguraduhan ng pagkain sa bayan ng San Vicente at maging sa buong lalawigan ng Palawan.
“Ang sustainable agriculture ay isang sistema na hindi isinasaalang-alang lamang ang produksyon kaakibat ang pangangailangan ng ating kalikasan ang kakusugan ng mga mamayan ang socio-cultural at ang economic dimension sa pagsasaka,” pahayag ni Cabungcal.
“Maliban sa turismo ay nakasalalay din ang ekonomiya ng Palawan sa agrikultura. Ang San Vicente ay may 4524.29 hektarya ng lupain na ginagamit sa pagsasaka,” dagdag niya.
Nagpasalamat naman si Mayor Amy Alvarez sa pamahalaang nasyunal sa bigay na tulong pinansyal para sa barangay.
“Thank you to the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict for granting P20M for Barangay kemdeng. Malaking tulong ang pondong ito upang maiangat ang antas at kalidad ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” pahayag ni Alvarez.
Dagdag niya, kailangang maibigay at mailapit ang lahat ng serbisyo ng goberno sa mga tao para tuluyan nang matuldukan ang terorismo.
“Ang patuloy na pag-atake ng mga terorista sa ating mga kababayan at mga sundalo ay isang malaking hamon pa rin sa ating lahat,” aniya.
“Ang laban sa terorismo ay laban ng lahat ng mamamayan, ang inaasam na pag unlad at pagbabago ay mahirap mangyari kung patuloy na mananaig ang karahasan at terorismo,” dagdag niya.
Samantala, nagpahayag din ng kagalakan at pasalamat sina Kapitan Daniel Latube at Edicio Lumibao, Indigenous Peoples Mandatory Representative ng barangay sa nabanggit na proyekto.
“Masaya ako na napapansin na kaming mga katutubo at napapabilang na sa nabibigyang pansin ng gobyerno ngayon,” ani Lumibao
Pagkatapos ng pagpapasinaya ay isinagawa ang signing of pledge of commitment ng mga PRLEC member agencies at sinundan ng site visitation.



