Suspek sa rape ng PNS high school student, nahuli na

Ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng PPCPO Station 1 sa Mendoza Park ay kinilalang si Alfred S. Magtubo, 31 anyos, at residente ng San Pedro.


Hawak na ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 ang tricycle driver na itinuro ng isang estudyante sa Palawan National School (PNS) na siyang nanggahasa sa kanya noong madaling araw ng Martes, August 7, sa isang liblib na lugar sa Barangay San Pedro.

Ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng PPCPO Station 1 sa Mendoza Park ay kinilalang si Alfred S. Magtubo, 31 anyos, at residente ng San Pedro.

Nahuli ito Miyerkules ng gabi bandang 8 p.m. sa may Princesa Homes Subdivision ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng City government sa pangunguna ni city information officer Richard Ligad.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulis, positibong kinilala ng 16 years old na biktima na itinago sa pangalang “Len-Len” si Magtubo. Nakumpiska mula sa kanyang tricycle ang kutsilyo na hinihinalang ginamit sa krimen.

Maging ang kulay itim na tricycle na kanyang minamaneho ay tinukoy din ng dalagitang biktima.

Itinanggi ni Magtubo na siya ang nanggahasa sa dalagita sa kabila ng positibo siyang kinilala ng biktima.

“Baka mali lang ang itinuturo ng bata. Hindi ako nanggahasa, hindi ako pumupunta ng Libis para mamasada lang dahil may terminal kami dyan [sa kanto ng Libis sa Caltex]. Maraming tricycle din na kulay itim na dumadaan sa amin dyan,” pahayag ni Magtubo.

Si Len-Len ay sinamahan ng kanyang 65 years old na lola na kinilala lamang na si “Aling Rose” para ipa-blotter ang nangyaring panggagahasa sa apo nya sa Libis Road bandang 6 a.m.

Ayon kay Aling Rose, mga 5 a.m. ay inihatid pa niya si Len-Len sa kanilang gate para mag-abang ng tricycle na sasakyan para pumasok sa PNS dahil sa maagang klase.

Mga bandang 7 a.m. ay nagulat siya dahil bumalik din agad si Len-Len sa kanilang bahay at humahagulgol ng iyak habang ikinukuwento na siya ay na-rape sa loob ng tricycle matapos tutukan ng kutsilyo ng driver nito.

“Nakita ko pa ang sinakyan ng apo ko at nagtiwala naman ako dahil nakasakay siya ng maayos. Pero di ko akalain na yon din pala ang mang-re-rape sa kanya. Nagtaka ako dahil bumalik bigla ang apo ko tapos niyakap ako at umiiyak. Tinanong ko kung bakit, ang sabi niya na-rape siya. Hindi ako makapaniwala noong una pero grabeng iyak ng apo ko,” pahayag ni Aling Rose.

Samantala, ayon kay Joyce Madamay ng Barangay Council for the Protection of Women and Children (BCPDWC) ng San Pedro, kumpirmado sa medical examination na isinagawa kay Len-Len na ito ay nagahasa.

“Base po doon sa medical record ng bata, may nakitang laceration which is indication na nagahasa nga ito,” pahayag niya.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...