Isang lalaking rank number 7 most wanted sa provincial level, ang nadakip ng mga operatiba ng Agutaya Municipal Police station (MPS) sa Barangay Bancal, araw ng Huwebes, Abril 29.

Ang suspek ay kinilalang si Reagan Carmelo Rios, 27, wanted para sa kasong six counts of sexual assault at rape.

Si Rios ay dinakip para sa mga nabanggit na kaso, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Regional Trial Court (RTC), Branch 165 sa bayan ng Brooke’s Point na may petsang March 1, 2021. Ang sexual assault ay may inirekomendang piyansang P120,000 bawat count samantalang wala namang nakalaan para sa kasong rape.

Ang suspek ay sinampahan ng kaso matapos na ireklamo ng pang-aabuso sa noon ay walong taong gulang na pamangkin ng kanyang stepmother sa Sityo Balete, Brgy. Punta Baja sa bayan ng Rizal, taong 2013.

Ayon sa imbestigador, nagsimula ang pang-aabuso noong Grade 2 ang bata, hanggang Grade 4  bago nadiskubre ang ginagawa niya.

- Advertisement -

Paliwanag ng pulis, palipat-lipat ng lugar si Rios dahil sa trabaho nito. Dalawang buwan pa lamang daw ito sa Agutaya nang may nagbigay ng impormasyon sa kanila kaugnay dito. Dagdag pa nito, bagama’t matagal na ang pangyayari ay  nakamonitor naman daw ang suspek sa kaso nito.

Previous articleMahigit P170,000 halaga ng kagamitan, ninakaw sa iskwelahan sa Roxas
Next articlePuerto Princesa Inter-Agency Task Force to appeal for MECQ if COVID-19 cases continue to rise
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.