Inaaresto ng mga operatiba ng El Nido Municipal Police Station (MPS) ang isang lalaki noong Miyerkules na sinasabing gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng lisensya, plaka ng sasakyan, at iba pang identification cards.
Kinilala ni Police Chief Inspector Thirz Starky Timbancaya ang suspek na nahuli sa kanilang entrapment operation na si Reynaldo Granada Ranes na residente ng Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City.
Ayon kay Timbancaya, modus ni Ranes ang mag-alok na gumawa ng mga pekeng ID para sa mga target na kliyente nito tulad ng driver’s license at ID ng recruitment agencies, money collection, Commission on Election, Adventist hospital, federal movement at iba pang ahensya.

Aniya, modus din ni Ranes ang pagpapagawa at pagbebenta ng mga pekeng plaka ng sasakyan.
Hindi na ito nakapalag ng maaresto sa kanilang isinagawang entrapment operation sa El Nido.
“Nagiging contact siya ng mga bumibili ng mabilisang driver’s license na ino-order pa sa Muntinlupa o sa Metro Manila. Nahuli siya sa akto matapos tanggapin niya ang pera mula sa pinagpanggap na buyer sa kanya,” pahayag ni Timbancaya sa Palawan News ngayong Huwebes.
Si Ranes umano ay sinasabing lider ng samahang Filipino Alliance Movement-Support Group o FAM-SG na nagsusulong ng kapayapaan at paglaban sa katiwalian sa Pilipinas.
Hinaharap nito ngayon ang kasong paglabag sa Revised Penal Code na may kinalaman sa kasong falsification of public documents.