Inaresto ng mga awtoridad ang isang suspek noong Miyerkules na itinuturing na “No. 9 Most Wanted” sa bayan ng Rizal dahil sa pagbubugbog sa menor de edad na lalaki noong 2017.
Ang inaresto ay kinilalang si Danny Vestas Diaz, 26 anyos, at residente ng Barangay Punta Baja sa natura din na bayan.
Ayon kay P/Maj. Aldrico Nangit, ala una ng hapon noong November 11 nahuli ang suspek sa Punta Baja matapos magtago. Nasampahan ito ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” noong 2017 at nilabasan ng warrant of arrest noong 2018.
“Tatlong taon din itong nagtago sa Puerto Princesa City ang suspek. Simula noong lumabas ang warrat nito January 2018 pa. Itong mga nakaraang linggo lang, sa tulong ng asset natin, nalaman na umuwi itong suspek sa kanilang bahay kaya kinuha na namin ang pagkakataon na maaresto na siya,” pahayag ni Nangit.
Aniya, si Diaz, kasama ang kainuman nito na nauna ng nahuli sa ibang kaso, ay binugbog ang isang menor de edad na hindi lumaban sa kanila kahit na hinamon nila ng suntukan sa daan.
“Itong suspek may kasong paglabag sa Section 10 ng Republic Act 7610, binugbog nila yong 16 anyos na lalaki na naglalakad noon galing sa bahay at papunta lang sa market area para sana gumawa ng assignment ang bata,” sabi nito
“Sabi ng complainant, nilapitan siya ni Diaz kasama ang kaibigan nito na parehong lasing, at saka hinamon siya ng suntukan. Nang hindi lumaban ang bata, yon na binugbog na nila,” dagdag ni Nangit.