Hindi nagkasundo sa una nilang paghaharap sa Barangay Tiniguiban ang suspek sa pamamaril ng toy pellet gun at mga naging biktima nito na biker.
Sa panayam kay Tiniguiban barangay captain Jocelyn Serna ng Palawan News, araw ng Miyerkules, sinabi nito na bigong magkasundo ang dalawang panig noong Martes (October 28) dahil wala umanong sinseridad ang pakiusap ng suspek na si Cedric Manalo sa mga nabiktima.
“Pinipilt nila na sabihin ko na airsoft [gun] ang gamit ko sa pagbaril sa kanila. Kapag daw umamin ako ng airsoft [gun] ang gamit ko, patatawarin daw po nila ako. Pero wala akong magagawa, pinagpilitan ko din po na pellet gun lang po talaga ang gamit ko,” pahayag ni Manalo.
Sabi ni Manalo, kahit desidido ang mga nagrereklamo na ituloy ito, pupuntahan pa rin niya ang ikalawang pagdinig sa November 4 sa Tiniguiban. Magsasama siya ng eksperto sa airsoft para maliwanagan ang mga biktima.
Kapag hindi pa natapos ang usapin sa ikalawang pagkakataon, sinabi ni Manalo na hindi na siya dadalo sa ikatlong pagdinig katulad ng payo ng kanyang mga magulang.
“A-attend pa po ako, pero kapag pangatlo pa, baka hindi na. Yon po kasi ang sabi ng papa ko. Nagbabakasali pa din ako na mapapatawad nila ako, pero sa kanila pa rin ang desisyon lalo pa at kasalanan ko naman din po,” pahayag niya.
“Kaso ang hindi po talaga nila maintindihan ang pagpilit ko pa din na pellet gun ang gamit ko. Gusto kasi nila na aminin ko na airsoft [gun] yon. Sa sunod nga po gusto ko isama ang kaibigan ko, para yon ang mag-explain sa kanila kung ano ba ang pagkakaiba ng tama ng pellet gun at airsoft po,” dagdag paliwanag ni Manalo sa panayam ng Palawan News.
Sinabi rin niya na nangangamba siya sa kanyang seguridad dahil maraming mga post sa social media na may pagbabanta sa kanyang buhay.
Natatakot din siya na magpakita ng kanyang mukha sa internet, lalo na’t sa hearing noong Martes ay nagbi-video ang mga nabiktima niya.
“Natatakot din ako na magpakita ng mukha ko sa internet. Katulad kahapon (hearing) nagbibidyo sila, tapos i-upload na naman nila. May mga nag-post na gantihan ng live ammo — oo, kasalanan namin, pero yong hindi nila inaalam ang totoo. Tapos magpo-post sila, magsasampa ng kaso ang papa ko, may nakausap na din po kaming abogado,” sabi nito.