Larawan mula sa PPPO

Isang lalaking pinaghihinalaang nagtutulak ng ilegal na droga ang nadakip ng operatiba ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Tagdalungon, Barangay Rio Tuba sa bayan ng Bataraza, dakong 10:30 ng umaga, araw ng Linggo, Pebrero 20.

Ang suspek ay kinilalang si Wahab Esnain Odin, 28 taong gulang, residente ng nasabing lugar.

Maliban sa isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nabili sa suspek, nakuha rin sa kanya ang pitong iba pang sachet na may bigat na 0.7 gram na nagkakahalaga ng P7,000, at P2,090 halaga ng pera kabilang na ang P1,000 buy-bust money.

Larawan mula sa PPPO

Ayon kay P/Maj. Dhennies Acosta, hepe ng Bataraza MPS, si Odin ay kilalang nagbebenta ng droga sa kanyang lugar.

Napag-alaman din na ang dating source ni Odin ay isang nagngangalang Andy Ikong na nauna nang naaresto ng mga pulis.

Ayon naman kay Odin, matagal na siyang hindi gumagamit ng shabu, ngunit lumabas na positibo ito sa isinagawang drug test.

“Binanggit niya na pumapatong lang siya ng P50 kapag nagpapabili ang mga tropa niya, pero sa pag- monitor namin sa kanya, talagang nagbibitaw siya,” pahayag ni Acosta.

“Pangalawang attempt na namin ‘yun, kaya nahuli na namin siya,” dagdag niya.

Paliwanag pa ni Acosta, isa sa hindi magandang nangyayari sa lugar ay maging ang mga katutubo ay nasasangkot na din sa iligal na droga.

“Ang mga binibentahan niya mga taga-Tagdalungon lang din. Ang nakakalungkot kasi dito, kahit yung mga nitibo, badjao, involve na din,” dagdag ni Acosta.

Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Bataraza MPS at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Previous articleWhat’s up with mandatory military service?
Next articleStakeholders at ilang guro, binigyang parangal ng Sofronio Española-DepEd district office
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.