Nabigong makatakas ang suspek sa pagpatay sa isang 62 anyos na karpentero noong Lunes ng hapon matapos matunton ng mga pulis ang kanyang pinagtataguan sa itaas ng puno ng niyog sa Barangay Sta. Monica.
Ang suspek sa pagpatay sa karpenterong si Saturnino Gabriel bandang alas dos ng hapon noong ika-13 gn Enero sa loob ng Sayang Compound, Purok El Rancho, Barangay Sta. Monica ay kinilalang si Jose Nardo.
Nasawi ang biktima matapos itong paluin ng crowbar ni Nardo sa ulo.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga pulis ng Puerto Princesa City Police Station 2, nangyari ang pagpatay matapos hanapin ni Nardo ang pinsan nito na si Erick Tura, ang caretaker ng compound, kay Gabriel.
Sinabi ni Nardo sa panayam ng Palawan News, hindi nito nagustuhan ang paraan ng pagsagot ng biktima. Nagdilim ang kanyang paningin kaya’t noong makita ang crowbar ay dinampot ito at ipinalo sa ulo ni Gabriel.

“Hinahanap ko kasi ‘yong pinsan ko kasi ilang araw ng hindi nakakauwi tapos tinanong ko siya sabi niya ay wala, hindi niya alam. Bakit daw siya ang tatanungin. Nainis ako bigla, nag-dilim ang paningin ko, pag-ikot ko, pinalo ko siya, bumagsak na siya hindi na nakalaban,” sabi ni Nardo.
Idinagdag niya na magkaibigan naman sila ni Gabriel at minsan ay nag-iinuman pa, pero sadyang nag-dilim lamang ang kanyang paningin noong araw na mangyari ang krimen.
Sa pahayag naman ni Tura, pagdating niya sa compound ay nakita umano niya ang wala ng buhay na si Gabriel. Hinanap niya si Nardo, pero hindi niya ito nakita.
Nakita na lamang niya ito sa taas ng puno ng niyog at nagtatago noong bumalik siya at kasama na ang mga barangay tanod at personnel ng Anti-Crime Task Force (ACTF).
Bumaba lang ang suspek mula sa itaas ng puno matapos ang negosasyon sa mga taga-ACTF. Pagkatapos nito ay inamin na ang nagawang krimen.