Murder ang kaso na nakatakdang isampa ng pulisya laban kay Dindo Badilla na suspek sa pagpaslang sa biktima na si Demar Gapilango kahapon, Pebrero 16, sa Solid Road sa Barangay San Manuel, dahil diumano sa pagseselos.
Bago ito, una na nang naisilbi sa kanya ang dalawang warrant of arrest dahil sa kaso naman na attempted murder at rape, ayon sa tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na si P/Lt. Col. Alonso Tabi.
“Nai-serve na ang mga warrant niya sa mga kaso niya dati pa, tapos ngayong umaga din, sasampahan na siya ng kasong murder,” ayon kay Tabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, selos ang itinuturong motibo ng suspek sa ginawang pananaksak at pananaga kay Gapilango na naganap Miyerkules ng hapon sa Solid Road, Barangay San Manuel sa lungsod ng Puerto Princesa.

Si Gapilango ay karelasyon ng kinakasama ni Badilla na si Ronalyn Nangcod na hanggang sa isinusulat ang balita na ito ay sinasabing nasa ospital pa dahil sa tinamo rin na mga sugat. Matatandaan na ayon kay Badilla, binangga niya ang motorsiklo na sinasakyan ni Gapulango at Nangcod sa Solid Road dahil sa hinabol niya ang mga ito.
Sa panayam sa kanya ng Palawan News noong Miyerkules rin sa PPCPO Station 1, ipinahayag niya na matagal na siyang nagdududa kay Nangcod dahil bukod sa mga nakikita niyang mga Facebook post nito, marami pa siyang naririnig na kwento mula sa kanyang mga kaanak.
“Noong nagta-trabaho ako sa San Vicente may kutob na ako, kasi nakikita ko sa Facebook kung saan-saan sila nakakarating, nag-a-outing-outing sila. Tapos nagkwe-kwento sa akin ang mga pamangkin ko na lagi niyang kasama ang lalaki na ‘yun, kaya umuwi ako galing San Vicente para subaybayan ko lang talaga sila,” pahayag ni Badilla.
Aniya, sila ni Nangcod ay nagsasama pa at hindi hiwalay tulad ng mga haka-haka.

“Hindi pa kami hiwalay. Noong nahuli ko na sila minsan, umuwi kami sa pamilya niya sa Napsan. Nag-usap kami doon, akala ko okay na, tapos nauna siyang umuwi sa Puerto, dito kami nakatira sa Delos Reyes, pagsunod ko sa kanya, pagdating ko sa boarding house namin, hinakot na [pala] nila ang mga gamit niya,”pahayag pa ni Badilla.
Ayon pa sa suspek, wala siyang pagsisi sa ginawang pagpatay sa biktima, ngunit wala siyang plano na idamay sa pananakit si Nangcod.
Dakong 2:30 ng Miyerkules nang hapon, naganap ang krimen kung saan, matapos na banggain ni Badilla ang motorsiklo ni Gapilango ay pinagtataga niya ito.
“Tinaga ko talaga siya na mapuruhan. Ang kinakasama ko, wala akong plano na patayin siya, kasi gusto kong dalhin niya habang buhay ang ginawa niya sa akin,” paliwanag ni Badilla.
“Naghabulan na kami galing sa Go Hotel hanggang sa magkaabutan kami sa kanto papasok ng Balay Tuko. Binangga ko talaga ang motor nila, saka pagtayo ko tinaga ko na ang lalaki,” dagdag niya
Samantala, ayon pa sa suspek, maliban sa insidente ng pagpatay noong Pebrero 16, may mga nauna na rin siyang kaso.
“Frustrated murder at saka attempted murder, nangyari sa Abo-Abo. Nangyari ang attempted rape sa Abo-Abo, sa pamilya po yan ng asawa ko, sa asawa ko talaga na tunay,” pahayag ni Badilla.