Sinampahan na ng kasong murder noong Lunes ang isang suspek na naaresto dahil sa hinalang may kinalaman ito sa pagpaslang sa isang kahera ng tindahan sa Barangay Rio Tuba, Bataraza kamakailan.
Ang suspek ay kinilalang si Abdurahman Albane, alyas “Man Man”, 18 anyos, at tubong Rio Tuba.
Inaresto ito dahil sa hinalang pagpatay kay Noeme Kentong noong March 2, ayon kay Police Master Seargent Norman Nicolas, ang hepe ng Bataraza Municipal Police Station (MPS).
Sa pahayag ni Nicolas sa Palawan News, sinabi nito na mayroong witness na nagturo kay Albane na siyang nakaalitan ng biktima.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek matapos imbitahin ng Bataraza MPS ang mga kasamahan ni Kentong sa trabaho para imbestigahan.
Sabi ni Nicolas, agad na umamin si Albane sa kasalanang ginawa sa biktima na kahera ng 169 Merchandizing Store.
“Ayon sa extra judicial confession ng suspek, nagkabiruan sila ng biktima noong February 26 na nagbunga ng di pagkakaintindihan. Nasampal umano ng biktima itong suspek kaya nagtanim ito ng galit,” sabi ni Nicolas.
Sabi ni Albane, noong March 1 ay sabay-sabay silang umuwi galing sa trabaho. Inutusan siya ni Kentong na maghatid ng susi sa kabilang tindahan at sinunod naman niya ito.
Pagkatapos ay niyaya siya ng biktima na pumunta sa plaza dahil meron silang pag-uusapan. Naglakad sila hanggang mapunta sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Kwento niya, nagkabiruan sila at nasampal siya ng biktima na naging dahilan ng pagdilim ng kanyang paningin.
Nasa kustodiya na ng pulis ang suspek.
http://https://www.youtube.com/watch?v=E_pBt0Xqur8&feature=youtu.be