Hindi pa rin matukoy hanggang sa kasalukuyan ang suspek sa pagpaslang kay Beberlyn Ampan, ang 19 taong gulang na biktima na ang katawan ay natagpuan na walang saplot sa tabi ng kalsada sa damuhan sa Purok Pagkakaisa sa Barangay Sta. Monica noong umaga ng Enero 23.
Ayon kay P/Lt. Col. Alonso Tabi, tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), patuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa naganap na krimen, at ang tinitingnan nilang anggulo ay may kinalaman sa diumano ay dalawang karelasyon ni Ampan.
Ang mga persons of interest naman ay nakikipag-ugnayan din sa kanila ng maayos para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon upang matukoy ang suspek. Hindi pinangalanan ni Tabi ang dalawa.
“As of now, wala pa din kaming na-identify na suspek. Hindi pa natin masabi sa ngayon, but then cooperative naman silang dalawa sa investigation, sa katunayan po nagpakuha sila ng DNA sample,” ayon kay Tabi kahapon, Pebrero 4.
Lumabas na rin noong Pebrero 4, ayon sa pahayag ni Tabi, ang resulta ng autopsy report sa labi ni Ampan, kung saan lumalabas na positibong ginahasa ito.
Aniya pa, base sa resulta ng pagsusuri ay hindi ito buntis, tulad ng mga unang lumabas na balita.
“May traces na na-rape ang victim, mayroon ding contusion sa ulo ng biktima, at may dugo na nakita sa brain, pero hindi siya buntis,” sabi pa nito.
Matatandaan na natagpuan ang katawan ni Ampan sa Sta. Monica nang may mapadaan na dalawang nagdya-jogging sa lugar. Ang bagay ay ikinuwento ng mga ito sa isang lalaki na nakasalubong at ito naman ang nag-ulat sa awtoridad, ayon kay PPCPO Station 1 commander P/Major Noel Manalo.
