Dinakip ng mga operatiba ng Roxas Municipal Police Station (MPS) ang isang suspek sa pagnanakaw sa Dumarao Elementary School (DES) sa naturang bayan, matapos umamin sa krimen nitong araw ng Martes, Mayo 4.
Ayon kay P/Maj. Erwin Carandang, hepe ng Roxas MPS, una nilang pinuntahan noong araw ng Linggo, Mayo 2, ang suspek na kinilalang si Rico Anello Aquino, 47, sa bahay nito sa Barangay New Barbacan.
“Hindi namin tinigilan ito, simula ng mai-report sa atin, kaya noong linggo may nag-text na informant at pinuntahan agad natin ang suspek sa kanyang bahay saka inimbitahan sa barangay,” pahayag ni Carandang.
“Sa harap ng Barangay Kapitan, sinabihan namin siya na pupunta kami sa bahay niya para tingnan kung nandoon ba ang mga items na nawawala,” dagdag niya.
Tumanggi ang suspek at sinabing idaan sa legalidad ang lahat ng gagawing hakbang ng pulisya. “Hindi siya pumayag, sabi niya dapat daw may search warrant kami. kaya ginawa namin pinabayaan namin siya, mag-a-aply na lang kami ng warrant saka namin pasukin,” ayon pa rin kay Carandang.
Matapos magharap sa barangay kinabukasan ay muling nakatanggap ng report ang pulisya mula sa informant na inilipat na ng suspek ang mga ninakaw nito sa airstrip sa likurang bahagi ng kanilang bahay.
“Alas otso ng umaga kahapon (Lunes, May 3) pinuntahan namin, una naming nakita ang plastic na may lamang sabon na kasama sa ninakaw niya. Tapos ginalugad pa namin ang lugar hanggang nakita namin ang makina na tinakluban ng mga damo, saka lahat ng gamit na ninakaw niya natagpuan namin doon,” ani Carandang.
Matapos ito ay agad na tinungo ng mga pulis ang bahay ng suspek para muling tanungin at agad na itong umamin.
Dagdag pa ni Carandang, hirap sa buhay dulot ng pandemya ang dahilan kaya nagawa ng suspek ang pagnanakaw.
Hirap daw si Aquino dahil sa pito nitong anak, at mayroon pang triplets na maliliit pa.
Nalaman daw ni Aquino ang tungkol sa mga kagamitan sa eskwelahan, matapos na sumilong ito doon ng minsang umuulan.
“Inamin niya ang Krimen, dala ng kahirapan kaya niya nagawa iyon. Aksidente lang na nakita niya ang mga gamit sa school, sumilong siya sa covered court ng school kaya binalikan niya iyon,” paliwanag ni Carandang.
Ayon pa sa pulisya, dati ng kilala ang suspek sa pagnanakaw sa bayan ng Roxas. Taong 2015-2017 ay nakasuhan na rin umano ito ng estafa.
Ang suspek ay nasa kustodiya Sa ngayon ay inaayos na ng pulisya ang ilang mga ibedensya para masampahan ng kasong pagnanakaw ang suspek.
