[Left] Mugshot ng suspek na si Carlo Layaog. [Right] Screenshot mula sa Tiktok post ng nagpakilalang "Law Enforcer" na nagpapakita ng maltreatment sa 22 anyos na suspek na si Layaog.

Humihingi ng katarungan at tulong mula sa awtoridad ang pamilya ng suspek sa pagnanakaw ng cable wires na si Carlo Soñar Layaog sa bayan ng Coron matapos mamatay ito dahil diumano sa pambubugbog ng isang kagawad at mga kasamahan nito na nakuhanan pa ng video at ini-upload sa Tiktok.

Ayon sa hepe ng Coron Municipal Police Station (MPS) na si P/Cpt. Ervin Plando sa panayam ng Palawan News, iniimbestigahan na nila ang uploaded amateur video ng isang nagpakilala lamang bilang “Law Enforcer” na nagpapakita ng maltreatment sa 22 anyos na suspek na si Layaog.

Hawak na rin nila ito para imbestigahan at tumulong sa nangyari kay Layaog na binawian ng buhay noong umaga ng Hunyo 28 sa Coron District Hospital.

“Nakuha namin ang tao na nag-bidyo, kinuhanan na namin ng affidavit kagabi (Hunyo 30) and identified niya ang dalawang lalaki na nasa video,” pahayag ni Plando.

Burado na rin ang video ilang oras matapos itong makarating sa kanilang atensyon bandang alas singko ng hapon noong Hunyo 30, sabi ni Plando. Makikita dito ang pagmamakaawa ni Layaog na tigilan na ang ginagawa sa kanya habang siya ay sumisigaw at umiiyak.

Samantala, kinilala ni April Mae Layaog, pinsan ng namatay na suspek, ang dalawang lalaki na nasa video na diumano ay sina Kgd. Paul John Abe, at ang lalaking may hawak ng lagare na si Jules Mayo.

“Yan lang po muna ang mabibigay namin na impormasyon kasi pupunta kami sa police station dahil ipre-present ang medico legal,” pahayag nito sa Palawan News.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Coron MPS, lumalabas na naganap ang maltreatment incident noong madaling araw ng Hunyo 27 matapos masakote si Layaog dahil sa pagnanakaw ng cable wires sa Bancuang Hotel and Resort sa Barangay 5 sa Coron.

Isinurender ito sa kanila bandang alas syete ng umaga rin ng grupo ni Abe kabilang ang may 10 talampakan na cable wires na nakuha kay Layaog. Habang nasa custodial investigation ang suspek ay napansin nila na hirap na itong huminga kaya agad nila itong dinala sa Coron District Hospital para masuri ang kalagayan.

Pagkatapos nito ay pinayuhan naman ang police escort ni Layaog na si P/SSg. Joseph Decena na i-confine ito dahil ang oxygen level nito ay below normal na at hindi na maganda ang kalagayan. Agad nila ring kinontak ang uncle nito na si Larry Layaog at ipinaalam ang kalagayan ng suspek.

“Agad din kaming nagsagawa ng imbestigasyon kaugnay dito. Pinatawag din ang uncle nito para ipaalam ang pangyayari, at matulungan silang ma-identify ang mga tao sa nasabing video at agad na kaming magpa-file ng charges laban sa kagawad at sa mga kasamahan nito,” sabi pa ni Plando.

Idinagdag din ni Plando na bagama’t gusto na ng pamilya na ilibing na agad si Layaog, pinayuhan nila ito na tumungo sa kanilang istasyon para sa patuloy na imbestigasyon at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Previous articleLPA off northern Luzon expected to dissipate
Next articleIBP denounces alleged red-tagging of three lawyers
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.