Suspek sa pagbebenta ng shabu, arestado sa Burgos St.

Ang suspek na si Sherwin Sartillo matapos siyang mahuli sa buy-bust operation laban sa iligal na droga noong gabi ng ika-10 ng Enero sa Burgos Street. (Contributed photo)


Arestado ang isang suspek sa pagtutulak ng shabu noong gabi ng ika-10 ng Enero sa may Burgos Street sa Barangay Magkakaibigan sa buy-bust operation.

Ang operasyon laban sa iligal na droga ay magkasamang ipinatupad ng Puerto Princesa City Police Office-Drug Enforcement Unit (PPCPO-DEU) at ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng pamahalang panlungsod.

Kinilala ang suspek na si Sherwin Sartillo na nakumpiskahan ng apat na pakete ng pinaghihinalaang shabu, isang cell phone, at ang marked money na ginamit sa buy-bust.

Sabi ni Sartillo, napag-utusan lamang siya ng kanyang kaibigan na ihatid ang mga pakete ng sinasabing shabu kapalit ng libreng paggamit.

“Inutos lang po sa akin ng kaibigan ko. Pinahatid lang, at di ko naman sukat akalain na ganito ang mangyayari,” sabi ni Sartillo.

Aminado ang suspek na gumagamit ito ng bawal na gamot pero sa tuwing may pagkakataon lamang at hindi naman madalas.

Aniya, minsan kapag siya ay napaguutusan ay nagkakaroon siya ng pagkakataong gumamit dahil ito ay libre.

Abot-abot man ang pagsisisi, sasampahan si Sartillo ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangeours Drugs Act.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...