Suspek sa nakawan sa San Vicente, kinasuhan na

Isang 24 anyos na mangingisda na suspek sa panloloob sa isang bahay sa Sityo Panindigan, Barangay Poblacion, San Vicente, noong Enero 27, ang nasampahan na ng kasong theft.

Kinilala itong si Charlie Capuslanan Sivilla, alyas Butchoy. Ang biktima nito ay kinilala naman na si Jonalyn Chu Boyon-on, 37, at isang negosyante.

Sa pahayag ng hepe ng San Vicente municipal police station (MPS) na si P/Lt. Erickson Dimalaluan, sinabi nito na tulog sa bahay ang biktima at pamilya nito nang mangyari ang pagnanakaw.

“Tulog sila, puyat din, kasi galing sila ng lamay noong gabi. Yung babae, umaga na umuwi, mga 1:30 ng madaling araw. Ang asawa niya pasado alas dos na nakauwi kasi nakipag-inuman pa doon sa lamay,” pahayag ni Dimalaluan.

“Wala din lock yung kanilang bahay, kaya madali lang napasok ang bahay,” dagdag nito.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, pasado alas kuwatro ng umaga ng Enero 27 ng mangyari ang pagnanakaw at umaga na ng malaman ng mag-asawa na nawawala na ang shoulder bag ni Boyon-on.

Agad din na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, at nag-deploy ng mga tauhan sa bisinidad ng lugar.
Unang nakita ang isang bag sa baybayin, kung saan may laman itong P10,000 at mga ID ng babaeng biktima na nakitang nakaipit sa isang sulok ng bangka.
“Pinatawag namin lahat, mga bandang alas 8 ng umaga, kasama na yung mga nakainuman ng asawang lalaki sa lamay, at saka ang lahat ng nakita ng gabi na yun sa labas. Pero dahil wala talaga kaming napiga, kaya mga 7 p.m. pinauwi na namin lahat,” pahayag ni Dimalaluan.

“Hindi pa rin kami tumigil sa pag iimbestiga, hanggang may nakapagsabi nga sa amin na itong suspek, si alyas Butchoy, ay nakita doon malapit sa bahay ng biktima,” dagdag nito. Gabi na ay pinatawag pa rin ulit ang suspek at bandang alas dose na ng Enero 28 umano umamin ang suspek.

Na-recover mula dito ang mga ninakaw na pera at alahas.

 

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry