February 26, 2021 |

Suspek sa kasong murder, arestado ng pulis sa Coron

Isang construction worker na wanted sa kasong murder ang nadakip ng awtoridad sa Sityo Balisungan, Barangay Tagumpay sa bayan ng Coron nitong Huwebes ng hapon, Pebrero 4.

Ang suspek na kinilalang si Mark Carlo Miramorte, a.k.a. Jhon Carlo, 23, na residente ng nabanggit na lugar, ay nakalista bilang Rank No. 8 most wanted na personalidad sa lalawigan ng Palawan

Sa inilabas na report ng Coron Municipal Police Station (MPS), si Miramorte ay dinakip ng mga operatiba ng Coron MPS sa bisa ng warrant of arrest na inilabas sa kanya noong November 23, 2020.

Siya ay kinasuhan ng murder bilang suspek sa pagpaslang sa biktimang kinilalang si Rico Panela sa lugar kung saan siya nadakip.

Ayon kay P/Lt. Orlan Tagaro, deputy chief ng Coron MPS, nagalit ang suspek sa biktima matapos na sigawan nito ang isang motor na dumaan sa tapat ng bahay ng kanyang kapatid. Parehong nakainom ang suspek at biktima ngunit hindi sila ang magkainuman.

Nagkainitan ang dalawa ngunit naawat at napaglayo, pero sinundan ng suspek ang biktima sa bahay ng kapatid nito at doon niya ito sinaksak ng makailang ulit.

“Actually, may nasaksak pa siya, iyong isang testigo at sa likod tinamaan pero naagapan naman,” ani Tagaro.

Walang kaukulang piyansa sa kaso ng suspek na kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng Coron MPS.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry