Inaresto ng mga operatiba ng Quezon Municipal Police Station (MPS), katuwang ang iba pang puwersa ng pulisya, ang isang lalaki na wanted sa kasong illegal possession of firearms sa Barangay Aramaywan, Quezon, ngayong araw ng Biyernes, Nobyembre 19.
Ang suspek ay kinilalang si Joel Everth Cris Catingub Hermogenes, alyas “Ronron”, 30 taong gulang at residente ng Brgy. Isugod ng nasabing bayan.
Si Hermogenes na itinuturing na No. 5 most wanted person sa municipal level ay dinakip sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Ramon Chito Mendoza ng Regional Trial Court Branch 165 ng Brooke’s Point na may petsang September 15, 2021, sa kasong paglabag sa Section 28 (a) at (g) ng Republic Act (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act, RA 9516, RA 8294 at Presidential Decree 1866. Naglaan din ang korte ng piyansa na nagkakahalaga ng P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang suspek ay sinampahan ng kaso matapos na magpaputok ng baril nang makainitan nito ang isang nakainuman sa Brgy. Isugod, dakong alas sais nang hapon noong December 24, 2020.
Ayon sa dating hepe ng Quezon MPS na si P/Maj. Bronson Carampto, masuwerteng hindi pumutok ang baril ni Hermogenes at agad na naagaw ito ng kanyang mga kainuman. Si Hermogenes naman ay nakatakas.
“Dumayo siya sa inuman. Pagdating niya sa lugar lasing na ang mga tao, ganun din siya nakainitan niya ang isa at nang inaawat ay bigla siyang nagalit, saka binunot ang baril na nakaipit sa beywang niya at in-attempt niya na iputok ang baril sa lupa, kaso hindi pumutok. Inagaw ng mga kainuman niya ang baril,” pahayag ni Carampto.
Ang baril na .45 caliber pistol at isang magazine na may lamang anim na bala na nakuha sa suspek ay isinuko sa pulis.
Samantala sa bayan ng El Nido, dinakip ng awtoridad ang isang wanted sa kasong tangkang pagpatay sa Sitio Litsod, Brgy. Corong-Corong, araw ng Huwebes, Nobyembre 18.
Ang suspek ay kinilalang si Alie Ola Morana, 39 taong gulang, at residente ng Brgy. Bebeladan sa nasabing bayan.
Si Morana na nasa No. 5 most wanted person sa municipal level ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Anna Lea Tiongson-Mendoza ng RTC Branch 164 ng Roxas, Palawan na may petsang August 3, 2020, sa kasong frustrated murder. May inilaang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ngayon ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
