Nakatakas ang isang 51 taong gulang na lalaki na aarestuhin na sana ng mga awtoridad noong Lunes sa bayan ng San Vicente dahil sa iligal na pamumutol ng punong kahoy na labag sa Presidential Decree 705.
Kinilala ang nakatakas sa police report ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) na si Edgar Delideli, residente din ng naturang bayan.
Ayon sa ulat, habang nagsasagawa ng anti-illegal logging patrol operation ang Municipal Public Safety and Emergency Program ng San Vicente ay namataan si Delideli habang nasa kanyang pag-iingat noong June 28 ang may 48 piraso ng pinutol na puno ng red nato sa may taas ng Dairy Farm sa Barangay Kemdeng.
Tinatayang may volume na 322 board feet at estimated market value na mahigit P19,000 ang mga kahoy na walang kaukulang dokumento.
Nasa pangangalaga na ng San Vicente Municipal Police Station (MPS) ang mga kahoy samantalang si Delideli ay hinahanap na ng awtoridad.
