Suspek na shoplifter, huli sa isang mall

Ang pinaghihinalaang shoplifter na si alyas Nelly (larawan sa kanan) matapos mahuli ng guard ng isang mall. Sa larawan naman sa kaliwa ay ang kuha ng CCTV na nagsasabing walang laman umano ang dala nitong bag. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Huli sa CCTV sa isang mall ang isang pinaghihinalaang shoplifter matapos sinasabing pag-interesan nito ang iba’t-ibang klase ng damit na isinilid niya sa bag.

Hindi nakapalag ang suspek na kinilala lamang na si alyas Nelly nang sitahin ng guard ng mall na hindi na pinangalanan dahil sa mga hinihinalang ninakaw niyang damit noong May 8.

Sinita siya sa tangkang pagpupuslit ng mga nasabing damit matapos magduda ang guard na may kahina-hinala itong kilos.

Kuwento ng guard na hindi na nagpabanggit ng pangalan, habang nag-iikot ang suspek ay umaasta itong kunwari ay namimili ng damit. Isa-isang isinilid umano ni alyas Nelly sa dalang bag ang mga damit at nang mapuno ito ay idineposito ito sa baggage counter.

Huli din sa CCTV na pag pasok pa lang nito ay walang laman naman ang bag na ginamit.

Ilang sandali lang ay nakita na ito sa isang counter na kunwari ay nagbabayad ng mga binili nito.

Pero nang palabas na ang suspek, nakita itong dumaan sa baggage area para kunin ang bag. Ayon sa guard, hirap na hirap ang ginang na bitbitin ang bag kaya nilapitan niya ito.

Nang sitahin niya at hanapan ng resibo ang mga laman ng bag na bagong damit, walang naipakita si alyas Nelly kaya dinala na ito sa kanilang security office para imbestigahan.

Nalaman sa imbestigasyon kay alyas Nelly na meron na pala umano itong mga nakaraang kaso. Pero dahil sa walang nagrereklamo ay napapakawalan din ito.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...