Suspek na pusher, nakatakas sa buy-bust operation

Ang suspek na si Marlon Dayata (kaliwang larawan) at ang mga pakete nang pinaghihinalaang shabu na naibenta niya sa asset ng pulisya kasama ang marked money. Siya ay dati nang naaresto sa parehong kaso ng paglabag sa R.A. 9165.


Nakatakas sa isinagawang undercover operation laban sa iligal na droga ng Puerto Princesa City Police Office-Drug Enforcement Unit (PPCPO-DEU) ang isang pinaghihinalaang pusher ng shabu noong umaga ng ika-11 ng Disyembre sa Barangay Tagburos.

Kinilala ito ng pulisya bilang si Marlon Dayata, residente rin ng naturang barangay.

Siya ang itinuturong source ng isa pang suspek sa pagtutulak na si Nathaniel Badilla, alyas “Blody”, na una nang naaresto noong gabi ng ika-10 ng Disyembre sa tapat ng isang drugstore sa Barangay Sta. Monica.

Ang isa pang pinaghihinalaang pusher ng shabu na si Nathaniel Badilla, alyas “Blody”, na unang naaresto ng pulisya. Ayon sa imbestigasyon, sinabi niya na si Marlon Dayata ang source ng kanyang shabu na ibinebenta.

Sabi ni Badilla, si Marlon ang nag-uutos sa kanya na magbenta ng pinaghihinalaang shabu sa mga parokyano.

Pasado alas syete ng umaga noong ika-11 ng Disyembre ay nagsagawa ng buy-bust ang PPCPO-DEU at Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government laban kay Marlon sa pamumuno ni PSI Noel Manalo.

Nagkasundo ang asset ng pulisya at si Marlon na sa national highway sa Tagburos magkikita para sa bilihan ng droga.

Sakay ng kanyang kotse, aarestuhin na sana si Marlon ng mga operatiba ng buy-bust team matapos magkaabutan pero agad itong nakapaharurot ng sasakyan para tumakas.

Nagkaroon nang habulan sa national highway na nagtapos sa bahay ng kapatid ni Marlon na si dating kagawad Ronnie Dayata ng Barangay Sicsican.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inamin ng dating kagawad na sa kanilang bahay nga tumuloy ang kanyang kapatid ngunit pinayuhan niya itong sumurender na dahil maghahanap naman sila ng abogado na tutulong dito.

Ilang oras ang lumipas ay hindi pa rin naisusuko ni Ronnie ang kapatid na suspek na sabi niya ay kanya ring hinahanap.

“Hindi po natin kinukunsinti ‘yan. Ang sabi ko kung talagang may kasalanan, dapat nyang pagdusahan ‘yon basta dadaan lang tayo sa tamang proseso,” pahayag ng dating kagawad ng Sicsican.

Nang hindi pa rin maipresenta si Marlon, maging si Ronnie ay inaresto na ng team para sa kasong obstruction of justice.

Napagalaman din na si Marlon ay dati nang naaresto sa kaparehong kaso ng pulisya.

Kahit nakatakas, kakasuhan pa rin si Dayata nang paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...