Suspek na high-value target, naka-detine pa rin

Ang suspek na si Carmelita “Carcar” Bernate na naaresto noong Sabado, December 15, sa Barangay San Pedro. Nakumpiska sa kanya ng pinagsanib na operating team ng PDEA at PPCPO Station 1 ang anim na pakete ng pinaghihinalaang shabu.


Under custody ngayon ng pulisya ang isang high-value target (HVT) at kasama nito na pinaghihinalaang source ng ibinibentang shabu sa Puerto Princesa City na naaresto noong Sabado, December 15, sa Barangay San Pedro.

Kinilala ang HVT na si Carmelita Bernate, alyas “Carcar,” at ang kasama nito na si Lizel Ramos na naaresto pasado alas dos ng madaling araw sa Block 4, Purok Eastwood, San Pedro matapos isilbi sa mga ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan at Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1 ang search warrant.

Ayon sa insider ng Palawan News sa PDEA, si Bernate ay kabilang sa HVT targets nila dahil ito ang lumalabas na itinuturong pinagkukunan ng droga ni Jeffry Orbiso, ang napatay kamakailan na suspek na pinaghihinalaan din na tulak ng droga sa isang buy-bust operation sa Barangay Sta. Monica.

“Kung naaalala nyo yong drug operation ng PPCPO Station 1 sa Sta. Monica last month, ‘yong napatay dahil nanlaban sa ating mga operatiba, ito rin si Carcar ang pinanggagalingan ng item niya. So malawakan na talaga ang operation nito,” pahayag ng agent.

Sabi ng agent, maingat talaga si Bernate sa pagbibitaw ng droga kaya halos tatlong buwan ang kanilang ginawang surveillance para maaresto ito.

Idinagdag pa nito na naka-ilang palubog na sila ng asset sa kanya para sa “test buy” kaya sure na sure na sila sa mga lakad nito sa sinasabing bentahan.

Pero mariin ang pagtanggi ni Bernate na kanya ang anim na pakete ng shabu na sinasabing nakuha mula sa kanyang pag-iingat. Aniya, matagal na siyang nagbagong buhay at tumigil na sa sinasabing gawain nito.

“Hindi po sa akin yan, sir. Wala akong alam dyan. Matagal na akong nagbago, tapos ngayon may ganyan,” pahayag ni Bernate.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...