Sep 29, 2020

Surprise inspection, isinagawa sa BJMP Brooke’s Point

Ayon kay Jail Senior Insp. Darwin Motilla na siyang nanguna sa pagsasagawa ng surprise inspection, bahagi ng kanilang operational protocol ang pag-iinspeksyon pero minabuti nila itong gawin ng biglaan para mabisto ang mga kalokohan ng kanilang persons deprived of liberty o PDL.

(Photo courtesy of BJMP Brooke's Point)

 

BROOKE’S POINT, Palawan — Nakakumpiska ng 10 units ng cellphone at pocket wifi noong Miyerkules ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bayan na ito matapos biglaan silang magsagawa ng inspeksyon sa dormitoryo ng mga detenido.

Ayon kay Jail Senior Insp. Darwin Motilla na siyang nanguna sa pagsasagawa ng surprise inspection, bahagi ng kanilang operational protocol ang pag-iinspeksyon pero minabuti nila itong gawin ng biglaan para mabisto ang mga kalokohan ng kanilang persons deprived of liberty o PDL.

“Nasa jail operation protocol naman itong pag-conduct ng inspection para mapanatili na ang mga bilangguan ay walang kontrabando. Isinagawa lang namin nang biglaan para mas maging epektibo ang gagawing inspection,” ayon kay Motilla.

Aniya, isinagawa nila ang inspeksyon matapos maalarma siya noong pag-upo niya bilang warden noong Marso ng nalaman niya na mayroong mga nagpupuslit ng cellphone sa loob ng kulungan na mahigpit na ipinagbabawal.

Sabi ni Motilla, mayroon ding mga pumapasok na text messages sa mismong text line ng BJMP Brooke’s Point na nagsasabing may ilang PDL na gumagamit ng cellphone upang ligawan ang asawa ng kapwa nila PDL.

“Very alarming yong text na may gumagamit daw ng cellphone para ligawan ang asawa ng kapwa nila PDL. Pinamanmanan natin at inimbestigahan yong text, at nalaman natin na sa loob ng kulungan nanggagaling ang text,” sabi niya.

“Isa pa, baka mayroon itong grupo sa labas na may mga miyembro sa loob at may mga binabalak na masama,” dagdag ni Montilla.

Aniya, isang dormitoryo pa lang ang kanilang naiispeksyon at tiyak na mayroon pa sa iba. Sa susunog na pagsasagawa, magpapasama na sila sa mga pulis para mas maging ligtas.

“Apat ang ating dormitoryo para sa mga PDL, isa pa lamang ang ating nai-inspect, marahil mayroon pa sa tatlo. Sa susunod na inspection natin ay kakailanganin natin ang PNP para masmaging ligtas ang ating gagawin,” sabi niya.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry