Ang panahon ng tagtuyot o dry season ang itinuturo ng Culion Water District (CWD) na dahilan ng nararanasang mahinang daloy ng tubig ngayon ng mga residente sa ilang bahagi ng bayan.
Dahil dito, nagsagawa ng water rationing ang pamunuan ng CWD upang matugunan ang mahinang daloy ng tubig sa mga apektadong barangay, na sinimulan noong araw ng Huwebes, Mayo 13.
Sa panayam ng Palawan News kay Alberto Tabla, general manager ng CWD, dalawang lugar ang nakakaranas ng mahinang water discharge simula pa noong unang linggo ng Mayo kung saan may mahigit 300 consumers. Ito ay sa Sitio Bernabe sa Barangay Osmeña at sa mismong barangay proper.
Dagdag pa ni Tabla, ang water rationing ay magpapatuloy hanggang sa ikatlong linggo ng buwan ng mayo o hanggang sa matapos ang dry season.
“Masyadong dry, wala talagang tubig mula sa dalawang water sources natin sa mga dumpwheel sa Osmeña. Kaya sobrang hina talaga ng tubig at hindi kayang itakbo ng pressure ang tubig sa mga kabahayan sa dalawang lugar dito sa Osmeña,” paliwanag ni Tabla.
Ayon pa sa kanya, mayroon silang kabuoang anim na water sources na nagmumula sa mga watershed at dump creek na pinagkukunan ng supply para sa humigit-kumulang 1,400 consumers sa buong bayan ng Culion. Ngunit sa ngayon ay apat lang dito ang may magandang water volume na maaaring pagkunan dulot ng dry season kung kaya’t apektado ang kanilang supply sa mga consumers.
“Sa poblacion, medyo maayos ang supply natin kasi medyo maganda ang water sources natin sa doon. Ang talagang mahina lang ay sa parte ng Osmeña,” aniya.
Paliwanag pa niya, hindi nila masiguro sa kung hanggang kailan makakaranas ng mahinang supply mula sa dalawang water sources nito sa Barangay Osmeña dahil nakadepende pa rin ito sa takbo ng panahon o kung magkakaroon ng pag-ulan at magkaroon ng magandang supply ang mga watershed at creek na pinagkukunan.
“Kaya nga noong nakaraang araw nakipagpulong kami sa LGU para matulungan kami sa problemang ito na baka pwede kaming makahiram ng karagdagang pondo para gastusin sa pagdaragdag ng ating mga dumpwheel sources sa Culion at madagdagan ang water sources,” ani Tabla.
Nangako naman umano ang pamahalaang bayan na bilang suporta ay maglalaan ito ng pondo sa 2022 anual budget para matugunan ang pangangailangan ng CWD.
