Malaking bagay para sa mga anti-mining group sa bayan ng Brooke’s Point ang patuloy na ipinapakitang suporta ng Apostolic Vacariate of Puerto Princesa para sa kanilang laban kontra sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC).
Isang misa ang inihandog ng AVPP San Ezekiel Moreno District clergy na isinagawa sa mismong hauling road ng Ipilan Nickel sa Brgy. Maasin, Brooke’s Point, umaga ng Martes, Marso 21.
Pinangunahan ito ni Fr. Francis Enano kung saan naroon rin ang ilang mga parokyano at mga anti-mining group. Dumalo rin sa misa si Brooke’s Point Vice Mayor Mary Jean Feliciano.
Ang misa ay pagpapakita ng suporta ng simbahan sa ipinaglalaban ng mga anti-mining group na kontra sa operasyon ng kompanya ng mina dahil umano sa kawalan ng mayor’s permit nito.
Ayon kay Nelson Sombra, isang magsasaka na naroon rin sa isinagawang misa, nagpapasalamat ito sa patuloy na suporta ng AVPP sa kanilang ipinaglalaban para sa pagtatanggol ng kalikasan sa Brooke’s Point.
“Hindi lahat ng katutubo ay kayang bayaran ng sardinas, hindi lahat ng katutubo ay kayang hilain, ako ay naniniwala, itong laban na ito ay exercise ng katawan, kalikasan ang nagsasabi, kailangan natin siyang i-suffer,” ani ni Sombra.
Nag-expire ang rally permit ng anti-mining group noong Marso 21, matapos na ipagkaloob ito sa kanila ni Mayor Cesareo Benedito Jr. noong Marso 14. Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang nakukuhang impormasyon mula sa mga anti-mining group kung nakapag-renew sila ng kanilang rally permit ngayong Marso 22.
Magugunitang naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Branch 165 noong Marso 10 para sa mga anti-mining group na nag-uutos na huwag harangan o gagawa ng anumang obstruction laban sa Ipilan Nickel, ngunit hindi ito sinunod ng mga anti-mining group.
Samantala, ayon naman kay Benedito, nakahanda naman siyang magkaloob ng bagong rally permit para sa mga anti-mining group dahil nakasaad naman aniya ito sa Batas Pambansa Blg. 880 na pinapahintulutan ng batas.