QUEZON, Palawan — Mag-iisang linggo nang pabalik-balik ang sunog na tumutupok sa mga kahoy na nakatambak sa logging pond na nasa Sityo Badlisan, Barangay Berong sa bayan na ito kaya ang mga residente sa paligid ay pinapayuhan na ng mga opisyales ng barangay na mag-suot ng face masks.

Ayon sa pahayag ni barangay kagawad Lea Cinco ng Berong, noong ika-7 Pebrero pa nag-umpisa ang sunog sa logging pan bandang alas nueve ng gabi sa Sityo Badlisan. May biglang umapoy sa gitnang bahagi ng nakatambak na mga luma at nabubulok na mga kahoy.

Pero ayon sa kanya, hindi nila matukoy kung ano ang pinagmulan nito. Ang rumesponde para maapula ang sunog ay ang Bureau of Fire Protection (BFP) Quezon katuwang ang mga volunteer fire brigade sa barangay at ang sa Berong Nickel Corporation (BNC).

“Isang linggo na po itong sunog at pabalik-bali dahil nga sa maraming kahoy hindi kaagad maapula. Mamatay man ang apoy sa itaas na bahagi, pero makalipas ang ilang araw, lalaki nanaman ang apoy at magkakaroon ng usok. Hindi naman tayo nagpapabaya sa sitwasyon kasi tayo ay nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng BNC para tayo ay tulungan sa pag-responde,” pahayag ni Cinco.

 

Ayon naman kay barangay kagawad Eleonor Canaway ng committee on health, pinapayuhan ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar na mag-suot ng face masks o ano mang panakip para hindi maapektuhan ng usok.

Kung magpapatuloy ito ay maaari munang silang lumipat pansamantala ng tirahan para hindi magkasakit dahil sa usok na nagmumula sa sunog.

“Habang tuloy-tuloy po ang usok na pumapasok sa kabahayan, maaaring gumamit ng pantabon o mask sa ilong upang maiwasan ang direktang paglanghap ng usok at maiwasan ang komplekadong sakit. Kung magpapatuloy ito, maaaring lumipat muna ang mga residente sa lugar kung saan hindi apektado ng usok,” sabi ni Canaway.

Sa hiwalay naman na panayam kay Rolando Sajot, safety officer ng BNC, maaaring nagsimula ang sunog dahil sa pagpapaapoy ng mga bata sa isang bahay ng pukyutan. Kumalat ang apoy pero agad naman itong naapula.

Pero makalipas ang apat na araw ay muli itong sumiklab, sabi ni Sajot.

“Nagsimula ang sunog doon sa pagpapaapoy ng mga bata sa isang bahay ng pukyutan at kumalat ang apoy. Pero agaran naman nating na apula kaagad ang apoy.  Dahil sa kapal ng kahoy sa ilalim, hindi basta-bastang matanggal ang baga sa ilalim,” sabi ni Sajot.

Dagdag pa niya, nagpadala na rin sila ng fire truck, water truck, at excavator para ito ay ma control. Sa ngayon ay “manageable” naman umano ang sitwasyon.

Ganito man, alarmado na ang mga residente tulad ni Rey Layba dahil ang kanyang misis ay hinihika na.

“Mag-iisang linggo na ang usok. Ako ay nababahala na sa kaligtasan ng aking pamilya at si misis inaatake na ng hika,” sabi ni Layba.

Isinugod na raw niya ito sa klinika ng BNC.

 

About Post Author

Previous articleNarra warns ‘kaingineros’ to stop slash-and-burn farming in Brgy. Dumagueña
Next article4Ps beneficiaries in Quezon lament delay in conditional cash transfer