Tinupok ng apoy ang isang bahay sa munisipyo ng Rizal sa bahagi ng Sitio Ararab, Barangay Iraan, noong araw ng linggo, September 12.
Ang bahay ay pag-aari ng mag-asawang sina Angelino at Ailyn Alindajao at nasunog bandang ala una ng hapon. Wala sa bahay ang mag-asawa at ang kanila namang anak na naiwan ay nasa bukid nang mangyari ang sunog.
Ayon sa Municipal Fire Station (MFS) sa naturang bayan, nagtungo sa kanilang opisina ang personnel ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) para iulat na mayroong bahay na nasusunog sa Ararab.
Mabilis silang nagtungo sa lugar ngunit natupok na ng apoy ang bahay ng mag-asawa.
Ayon kay FO2 Paulo Lomanang, medyo mahirap ang pag-responde dahil malayo ang lugar sa main highway ng Iraan.
“Pagdating ng ating responders, tupok na talaga ang bahay, mahirap din ang daan, may matataas na bahagi at mabilis ang apoy dahil made sa light materials ang bahay ng mag-asawa,” sabi ni Lomanang, Miyerkules, September 15.
Aniya, nagtungo sa kanilang opisina araw din ng Miyerkules ang mag-asawa kung saan idineklara ng mga ito na ang halaga ng ari-arian na nasunog ay nasa mahigit P100,000.
Samantala, ayon kay Lomanang, hindi pa nila matukoy kung saan nagmula ang sunog habang isinusulat ang balitang ito.
“Walang kuryente ang bahay, may lutuan naman sa kahoy [yoong pugon], may nakaimbak din na uling sa loob, hindi natin ma-conclude ang dahilan ng sunog,” paliwanag ni Lomanang. Dakong ala una kwarenta ng hapon ng ideklarang fire out na.
“Tupok na rin talaga, kaunting usok lang, upon our arrival, more or less 20 minutes, fire out declared na natin ang sunog doon sa area,” dagdag niya.
