Nov 30, 2020

Substitute bill para sa proteksyon ng OFW remittance, aprubado na sa Kamara

Sa inilabas na press statement, inaprubahan noong Huwebes ng Committee of Overseas Workers Affairs sa kamara ang committee report sa substitute bill sa House Bill 826 o ang “Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act” na iniakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.

file image


Aprubado na sa kamara ang substitute bill para sa proteksyon ng Overseas Filipino Workers (OFW) remittance sa pamamagitan ng pagbibigay ng 50 porsyentong diskwento sa pagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya sa mga financial at non-bank financial institutions, kasama na ang mga insentibo sa buwis at limitadong bayad sa pagpapadala ng pera.

Sa inilabas na press statement, inaprubahan noong Huwebes ng Committee of Overseas Workers Affairs sa kamara ang committee report sa substitute bill sa House Bill 826 o ang “Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act” na iniakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.

Inilahad din ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Sarah Lou Arriola ang mga ulat hinggil sa kalagayan ng OFWs na apektado ng pandemya kung saan nasa 233,742 Pilipinong manggagawa mula sa 80 bansa at 135 cruise ships ang napauwi na.

Inaasahan pa na aabot sa 111,258 na OFWs ang papauwiin sa buwan ng Disyembre.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, pinagkalooban ng karagdagang pondo ang DFA upang magamit sa pagpapauwi ng mga Pilipinong manggagawa sa ilalim ng repatriation program dahil sa kasalukuyang krisis pangkalusugan.

“Nais po nating pasalamatan ang Kongreso sa pagkakaloob sa atin ng karagdagang pondo na nagkakahalaga ng P820-milyon para matugunan ang COVID-19 pandemic at ito ay ating gagamitin sa pagpapauwi at ayuda sa ating mga OFWs,” ayon kay Arriola.

Idinagdag ng DFA sa komite na sa kasalukuyan ay mayroon nang 11,224 na Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ang nahawaan ng coronavirus disease, kung saan 3,153 dito ay mga aktibong kaso.

Mayroon ng 7,254 ang gumaling na at 817 naman ang naiulat na nasawi.

Pinamumunian ni TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza ang Committee of Overseas Workers Affairs sa Kamara.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry