Binigyan ng pagkilala ng Sofronio Española Department of Education (DepED) District Office ang ilang indibidwal na nakapagbigay ng kontribusyon at nakatulong sa tagumpay ng mga programa nito, sa isinagawang Grand Gawad Parangal noong araw ng Huwebes, Pebrero 17.
Ayon kay Glenda Mendoza, Sofronio Española Public School District Supervisor, ang aktibidad ay binuo ng kanilang distrito upang kilalanin ang mga indibidwal sa bayan sa kanilang mga gampanin sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto, habang ipinatutupad ang distance learning sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
“We give recognition to our outstanding school heads and our stakeholders/ partners in the implementation of programs and projects in the new normal,” pahayag ni Mendoza, Pebrero 18.
Kabilang sa mga binigyan ng plake ng pagkilala ang mga stakeholders nito kabilang ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan at ng mga barangay at mga opisyal ng Parent-Teachers Association (PTA).
Pinarangalan din ng distrito ng Sofronio Española ang mga guro na matagal na nagserbisyo sa kanilang mga paaralan.
“Nagbigay tayo ng mga service awards, Bronze service award (10-19 years in service), silver service award (20-29 years in service), at Gold service award (30 years up),” ani Mendoza.
Pinapurihan naman ni DepEd Palawan Schools Division Superintendent Roger F. Capa ang lahat ng nakatanggap ng nasabing mga parangal, sa patuloy nilang paglilingkod upang maayos na maipatupad ang distance learning sa kanilang mga paaralan.
Pinasalamatan din ni Capa ang mga opisyales ng pamahalaang lokal at barangay sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa DepEd Sofronio Española.
