Sports academy at training center, planong itayo sa Sta. Cruz

Ilan sa mga atletang Marinduqueno na sumailalim sa Philippine Sports Commission-Philippine Sports Institute Grassroots Program na makikinabang sa maaaring itayong sports academy at training center sa Baliis, Sta. Cruz. (Larawan mula kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco)


Inaprubahan na ng Committee on Youth and Sports Development ang panukala na nagsusulong na magtayo ng sports academy at training center sa barangay Baliis, Sta. Cruz.

Layunin ng House Bill No. 8317 na linangin ang kakayanan ng mga atletang Marinduqueno sa larangan ng pampalakasan; palaganapin ang pagtuturo ng pisikal na edukasyon; at sanayin sila sa pamamagitan ng mga programang pang-isports at liga.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Marinduque Representative Lord Allan Velasco dahil sa suporta na natanggap mula sa mga kasamahan niya sa komite. Aniya, panahon na raw upang magtayo ng sports academy at training center sa lalawigan lalo na at mahilig ang mga kabataan ngayon sa larong basketball.

Bukod pa rito ay prayoridad din daw ng panukalang batas na ito na mapanatili ang magandang kalusugan at pangangatawan ng bawat Marinduqueno gaya ng isinusulong ng Philippine Sports Commission (PSC) Grassroots Program.

Sa ngayon ay umaasa ang tanggapan ng kinatawan na ito ay aani rin ng suporta mula sa senado. (PIA-Mimaropa/Marinduque)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...