Dalawang daan at limampung mga kapitan mula sa mga munisipyo ang dumalo sa isinagawang Punong Barangay’s Assembly noong Nobyembre 25 sa layong pagkaisahin ang mga Barangay Development Plan at ang Provincial Development Plan ng lalawigan.

Ayon kay Board Member Ferdinand P. Zaballa, pangulo ng Liga ng mga Barangay-Palawan Chapter, sa pagkakaisa ng dalawang plano ay masisiguro na magiging isa ang giya ng mga ito patungo sa kaunlaran

Ayon pa kay Zaballa, ito ay bunga na rin ng matagumpay na ‘Usapang Palawan Summit’ para sa lalong ikauunlad ng kanilang bawat barangay.

“Ang pinakaimportante na pag-uusapan namin ay ang harmonization ng Provincial Development Plan sa plano ng barangay, kasi nagkaroon tayo ng Usapang Palawan and then nabalangkas natin ‘yong mga bagay bagay na dapat ipa-implement sa bara-barangay. Kami naman sa barangay, gagawa kami ng program na naka-harmonize sa programa ng probinsiya kaya nagkakaroon tayo ng ganitong pagtitipon kasama ang mga punong barangay natin,” ani ni Zaballa.

Ang mga punong barangay mula sa iba’t ibang munisipyo habang nagsasagawa ng open forum sa kanilang 2022 barangay assemby sa VJR hall sa kapitolyo | Larawan mula sa PIO Palawan

Isa rin sa mga napag-usapan ang “Philippine National Police – KApulisan, SIMbahan, pamaYANan” (PNP KASIMBAYANAN) kung saan tinalakay dito ang papel na dapat gampanan ng bawat punong barangay sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kanilang mga lugar katuwang ang pulisya.

Ayon kay Zaballa, nararapat lamang na malaman at pagtuunan ng pansin ang naturang programa ng kapulisan dahil naniniwala ito na malaki ang maitutulong nito para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bawat barangay.

“May mga programa tayo na dapat malaman nila, unang-una ang PNP KASIMBAYANAN, nakapagpasa ako ng ordinansa na maglalagay dapat ang lahat ng mga barangay ng isang focal person para dito [KASIMBAYANAN], kasi alam ko ang programang ito, makatutulong ito sa ating mga barangay patungkol sa peace and order. Nakita naman natin na mayroong mga faith based organizations and then, katulong ang mga pulis sa barangay. So alam ko, malaking tulong ito, at the same time pinag-uusapan din namin ang budget namin for next year.” dagdag niya.

Samantala nagpahayag naman ng pasasalamat ang kapitan ng Samariñana sa Brooke’s Point sa pagkakataong maibahagi ang kanilang plano at matuto ng iba pang bagay patungkol sa lokal na pamamahala.

“Ito ay napakalaking bagay para sa amin, dahil ito ay nakapagbibigay ng karagdagang kaalaman sa amin bilang punong barangay para maipatupad namin sa aming barangay. So, kami po mula sa bayan ng Brookes Point, lubos po kaming nagpapasalamat sa Provincial Government sa pamumuno ni Gob. Socrates sa mga programang ipinapaabot sa amin dahil sa pamamagitan nito ay marami kaming natututunan,” ani kapitan Federico V. Daguat

Ang aktibidad ay p dinaluhan ni Bise Gob. Leoncio Ola kasama sina Board Members Winston Arzaga, Ariston Arzaga, Ryan Maminta, Rafael Ortega, Jr., Juan Antonio Alvarez at Marivic Roxas.

Dumalo rin sina P/Lt. Col. Emerson E. Tarac bilang kinatawan ni P/Col. Adonis Guzman ng Palawan PPO kasama si P/Maj. Baby Jane Comosa, chief, Women and Children Protection Desk (WCPD).

About Post Author

Previous articleSen. Imee Marcos expected to visit Rizal town
Next articleBayron gives electronic keyboards for students to learn music
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.