Pinagkalooban ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng isang patient transport vehicle ang bayan ng Sofronio Española bilang suporta sa serbisyong medikal ng nasabing bayan.
Ang sasakyan ay itinurn-over ng PCSO sa lokal na pamahalaan at tinanggap ni Vice Mayor Rhona Chou kasama ang ilang representante ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan sa Paco, Manila noong araw ng Huwebes, Pebrero 4.
Ayon kay Chou, malaking tulong ang sasakyan bilang karagdagang kagamitan para sa mga emergency sa bayan katulad ng rescue sa mga aksidente at kalamidad at pagdadala ng mga pasyente sa pagamutan.
“Malaking tulong ito sa atin. Hindi na mahihirapan ang mga tao dahil may karagdagang magagamit na tayo, lalo pa’t may bubuksan na tayong district hospital sa ating bayan,” pahayag ni Chou, Pebrero 5.

Dagdag niya, hindi na mahihirapan ang mga pamilyang may pangangailangan pagdating sa emergency kapag dadalhin sa pagamutan, dahil may mga ambulansya na rin na ginagamit ang MDRRMO at Rural Health Unit (RHU) maliban pa sa mga rescue vehicles na mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ayon naman kay Royina Garma, chairperson and general manager ng PCSO, ang mga bayan ng Sofronio Española at Araceli sa Palawan ang unang nakatanggap ng PTV mula sa PCSO.
“Today, we are turning over 50 patient transport vehicles to LGUs, municipal and government-owned hospitals. Magagamit ito ng ating mga kababayan na higit na nagangailangan at lalong lalo na sa paghahatid ng pasyente to hospital at hospital pauwi sa kanilang bahay,” pahayag ni Garma.