SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Naitala ang unang kaso ng pagkamatay sa COVID-19 ng bayang ito matapos masawi ang isang pasyente noong araw ng Huwebes, Mayo 20.
Ang pasyente ay isang 60 taong gulang na residente ng Barangay Pulot Shore ay binawian ng buhay sa Ospital ng Palawan (ONP) sa Lungsod ng Puerto Princesa habang ginagamot sa kanyang karamdaman, ayon sa pahayag ng Sofronio Española Municipal Health Office (MHO).
Sa pahayag ni municipal health officer Dr. Rhodora Tingson, araw ng Sabado, Mayo 22, sinabi niyang dati ng may sakit ang pasyente at nauna na itong nagpacheck-up at nagpa-admit sa isang private hospital sa bayan ng Brooke’s Point noong Mayo 18. Kinabukasan ay inilipat ito sa ONP kung saan ito ay binawian ng buhay.
“Doon na siya na RT-PCR sa ONP at lumabas ang result a few hours after siya nag expire,” pahayag ni Tingson.
Samantala, tatlong pasyente rin ng COVID-19 sa bayan ang gumaling nitong araw naman ng Biyernes, Mayo 21. Sa ngayon ay mayroon na lamang 10 aktibong kaso ng COVID sa bayan na ito na kasalukuyang nasa isolation facility.
Patuloy pa rin ang paalala ng Municipal Inter Agency Taskforce on Covid19 (MIATF) sa lahat ng residente, lalo na sa Pulot Center at Pulot Shore kung saan may naitalang local transmission cases, na patuloy sundin ang maximum health protocols katulad ng pagsuot ng facemask at physical distancing.
