MSWDO tiniyak na walang problema sa bigas na ibinigay sa Barangay Punang.

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Tiniyak ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa bayan na ito na walang problema sa bigas na ibinigay sa Barangay Punang upang ipamahagi sa mga residenteng sumasailalim sa quarantine matapos na isang residente ang nagreklamo na hindi maganda ang kalidad ng nasabing bigas na ibinigay sa kanila.

Ayon kay Grace dela Torre, hepe ng MSWDO, sinisiguro nilang nasa maayos na kalagayan ang mga bigas bago pa man ito ilabas sa kanilang tanggapan para ibigay sa mga barangay upang ipamahagi sa mga residenteng sumasailalim sa quarantine bilang ayuda.

Sa post ni Dela Torre sa kaniyang Facebook account noong July 11, nasa magandang lalagyan at nakaimbak na maayos ang mga bigas sa kaniyang opisina bago ito ibigay sa mga barangay.

“Gusto ko lang linawin na ganito po ang itsura ng food packs na pinamimigay galing dito sa aming tanggapan – bago ang plastic, sinigurado kong nakaimbak sila sa maayos na lalagyan at dino-double check yan bago ilabas ng ating opisina,” paliwanag ni Dela Torre sa kaniyang Facebook post.

- Advertisement -

Kinumpirma ni Dela Torre na noong July 1 ay kumuha ng food packs ang Brgy. Punang para ibigay bilang ayuda sa mga residente na sumasailalim sa quarantine ngunit paglilinaw niya, walang sira o bulok na bigas ang ibinigay nila.

“July 1 or 2 nila ‘yon nakuha sa office, bago yan nirerelease naka double check sa amin. Mahirap ng magsabi kung saan nagkamali,” payahag ni Dela Torre.

Umapela rin si siya sa mga residente na kung sakaling may problema sa mga food packs na kanilang natanggap mula sa mga barangay ay agad ipagbigay-alam sa kanila upang mapalitan agad at huwag nang idaan pa sa social media.

“Kagaya ng aking panawagan noong nakaraan, kung sakali mang may makatanggap sa inyo ng food packs na sa tingin ninyo ay wala sa ayos, pakibalik ito para mapalitan ng barangay agad,” aniya.

Samantala sa hiwalay na panayam kay Rodel Ladjiman, July 9 nila natanggap ang bigas na ibinigay sa kanila ng barangay na ayon sa kanya ay may bulok na sa bigas at hindi kanais-nais na amoy kaya pwedeng kainin.

“Ganyan po ang itsura ng natanggap nila sa picture galing sa pinsan ko. Ayaw nila ipost kaya ako na lang ang nag-post. Naka quarantine po kasi ang nanay ko,” pahayag ni Ladjiman.

Dagdag niya, wala naman silang intension na masama at gusto lang nila malaman kung bakit ganoon ang bigas na naibigay sa kaniyang pamilya.

Previous articleSSS releases P90.52-B worth of benefits to 3.5M beneficiaries in first 5 months of 2021
Next articleSan Vicente to open second travel bubble
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.