March 02, 2021 |

Sofronio Española MIATF naghigpit ng seguridad sa terminal

SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nagpatupad ng mas mahigpit na monitoring ang Municipal Inter-Agency Task Force ng Sofronio  Española  simula  Pebrero 19 sa mga terminal at pampublikong sasakyan na tutungo at manggagaling sa lungsod ng Puerto Princesa, kaugnay sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ang paghihigpit ay napagkasunduam sa pagpupulong ng MIATF nitong Huwebes (Pebrero 18) bilang tugon ng lokal na pamahalaan ng Sofronio Española sa kautusan ni Governor Jose Alvarez na magpatupad ng panuntunan ang mga munisipyo tungkol sa pag-biyahe ng mamamayan sa lungsod.

Ayon kay Mayor Marcito Acoy, nagtalaga ang MIATF ng mga personnel sa buong vicinity ng public terminal upang tingnan kung nasusunod ng mga public transport vehicles ang social distancing at seating capacity ng kanilang sasakyan maging ang pagsuot ng facemask at face shield.

“Kasama naman talaga yan simula noon iyong compliance sa order sa mga pampublikong sasakyan pero parang nakalimutan na kaya iche-check na ito. Titingnan kung ang pasahero nila ay nasa capacity at titiyaking may mask at face shield ang mga sakay nila,” pahayag ni Acoy.

Nanawagan din si Acoy sa mga mamamayan ng Española na kung hindi man maiiwasan na magtungo sa Puerto Princesa kung may importanteng transakyon, mainam na makipagugnayan muna sa mga barangay kung  saan sila nakatira upang malaman ng mga Barangay Health Emergency Response Team(BHERT) sa kanilang lugar na sila ay umalis at nagtungo sa Puerto Princesa.

“Nandiyan ang BHERT natin, mas magandang makipag coordinate sila dahil isa rin yan sa mga suhestyon kahapon sa MIATF meeting. Mas magandang magkaroon tayo ng self discipline lalo na ngayon, kailangang ligtas ang buong pamilya natin,” ani Acoy.

“Kung hindi naman importante ang lakad papuntang city ay huwag na munang mag byahe. Saka na tayo bumayahe kapag okay na ang Puerto, dito nalang muna tayo sa Española,” dagdag niya.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry