NARRA, Palawan — Naglaan ng pondo ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay Elvita sa bayang ito upang ipamahagi bilang financial assistance sa mga estudyante nila na nasa kolehiyo upang matugunan ang kanilang mga kailangan sa kanilang pag-aaral online sa gitna ng pandemya dulot ng COVID-19.

Ayon kay SK chairman Jully Labrador, inaasahang sa buwan ng Abril ay  magsisimula silang ipapamahagi ang pondo para sa online learning kung saan bawat estudyante ay makakatanggap ng halagang P500.

“Nag-usap kami ng council kung paano kami makakatulong at napagkasunduan nga namin na mag-allocate ng pondo para kahit paano ay may magamit sila pang-load sa kanilang mga online needs,” pahayag ni Labrador.

Aniya, nagsimula silang magsagawa ng assessment at identification ng mga estudyante ng barangay noong buwan ng Pebrero sa Elvita at ngayong Marso ay mayroon na silang 43 estudyante sa kanilang talaan.

- Advertisement -

Dagdag niya, bago magsimula ang pamamahagi ng financial assistance ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng paglilista dahil may mga estudyante pang hindi nakapag-sumite ng mga requirement.

“May ilan pang inaantay namin ang mga requirements nila, panawagan namin sa iba pang mga college students na residente po ng Brgy. Elvita. Magpatala na sa amin at kompletuhin ang mga requirements na kailangan namin to validate kagaya ng certificate of indigency, certificate of registration ng school para sa second semester, statement of account, school id at request letter,”paliwanag ni Labrador.

Ayon sa kanya, bagamat maliit lamang ang pondo ay naniniwala siyang makakatulong ito para sa pag-aaral ng mga kabataan sa kaniyang barangay.

Previous articleOccidental Mindoro, pilot area para sa PAFES sa MIMAROPA
Next articleDOH detects additional COVID variant cases
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.