SAN VICENTE, Palawan — Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng San Vicente na maging isang ganap na Community-Based Sustainable Tourism (CBST) destination ang Sitio Panindigan sa Barangay Poblacion.
Ayon sa Municipal Tourism Office (MTO), malaki ang potensyal ng naturang lugar bilang karagdagang destinasyon na maaaring bisitahin ng mga turista sa munisipyo dahil sa ganda at naiibang katangian nito.
“Bibihisan natin si Panindigan from a simple fishing village into a community-based destination. Pero ire-retain natin ang character niya as a fishing village. Dadagdagan lamang natin ng ibang aspeto ng turismo like mga livelihood, pasalubong center, gastro-tourism o food tourism at experiential tourism,” pahayag ni municipal tourism officer Lucylyn F. Panagsagan. Kasama rin sa plano dito ang pagsasaayos ng kalsada.
Dagdag ni Panagsagan, maliban sa pagiging tourism destination, ilan pa sa magiging benepisyo nito ay ang paglikha ng trabaho at pagkakakitaan para sa mga mamamayan, pagdaragdag sa araw ng pamamalagi ng mga turista at pagpapanatili ng kultura ng Panindigan bilang isang “fishing village”.
“Puwede kasi tayo doon na maglagay ng restaurant [offering] sea foods, pwede rin silang ma-engage sa experiential tourism like fishing, mag-harvest ng seaweeds, magbilad sila ng isda [at] magdaing. Basta involving also the community – si community ang magma-manage roon,” pahayag niya.
Nakapaloob din sa proyekto ang pagpapalakas sa kakayahan ng komunidad sa pamamahala ng isang destinasyon na dinarayo ng mga turista sa pamamagitan ng ibibigay na mga pagsasanay. Ito ay upang masiguro ang partisipasyon ng bawat isa sa pag-unlad ng industriya ng turismo sa naturang lugar.
Nakapagsagawa na rin umano sila ng tatlong pagpupulong sa komunidad. “Alam na rin ng mga tao roon kung sino man ang affected. Nagpi-prepare rin tayo ng relocation site for them. Hindi sila aalis doon until such time na makahanap tayo ng relocation site,” paliwanag ni Panagsagan.
Ang Panindigan Cove Community-Based Sustainable Tourism (PCCBST) ay flagship tourism project sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Amy R. Alvarez.
“It’s a three year plan. Sa [unang taon], we have initial amount na P10 million para sa social preparation. Sa second year, implementation na ng master plan [kung] ano na ang ilalagay doon [at] third year ay ganoon pa rin,” ani Panagsagan.
“The community, the LGU including TIEZA, mga private sector, tayo ang magpa-plano for Panindigan, [kung] ano ang gusto nila for Panindigan. Sila pa rin ang masusunod,” paliwanag pa ni Panagsagan.
Ang Sitio Panindigan ay makikita sa kanlurang bahagi ng Barangay Poblacion. Ito ay kilalang sagana sa mga produktong nagmumula sa dagat. Mayroon itong malinis at puting baybayin.
