Isang pampasaherong van ang nahulog sa gilid ng kalsada sa Barangay Marangas sa bayan ng Bataraza, dakong alas dyes nang umaga, ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 9.
Ang P. Rabbit Van Transport na minamaneho ni Abubacar Paunte ay nagmula sa Lungsod ng Puerto Princesa at patungo sa nabanggit na bayan lulan ang tatlong babaeng pasahero na kinilalang sina Angelica dela Cruz, 29; Raizel Aribalo, 34; at Roselyn Badua, 48.
Si Dela Cruz ay kaagad na dinala sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) sa bayan ng Brooke’s Point, samantalang si Aribalo ay isinugod naman sa Bataraza District Hospital (BDH). Wala namang natamong pinsala si Badua.
Sa imbestigasyon ng Bataraza Municipal Police Station (MPS), naaksidente ang van dahil sa madulas ang kalsada dulot ng pag-ulan.
“Sinubukan ng driver na mag-preno sa bahagi ng kalsada na matubig at dumulas ang gulong,” pahayag ni P/Lt. Argie Eslava, hepe ng Bataraza MPS.
“Dinala ang mga pasahero sa hospital, para masiguro natin na walang pinsala. Pare-pareho naman silang nasa maayos na lagay, walang malala, and sasagutin naman ng may-ari ng van ang lahat ng gastusin,” dagdag niya.
