SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Itinuturong dahilan ng pamunuan ng Sofronio Española Water District (SEWD) ang halos mag-iisang linggo ng water interruption simula noong Sabado hanggang ngayong araw ng Biyernes ang sobrang pressure ng tubig mula sa source nito sa El Salvador Falls, Barangay Pulot Interior.

Dahilan din umano ang aksidenteng pagkasira ng mga linya ng tubig dahil sa mga construction equipment ng provincial government na may ginagawang proyekto sa mga kalsada sa siyam na barangay.

Noong araw pa ng Sabado nakakaranas ng hindi magandang suplay ng tubig ang mga residente sa siyam na barangay.

Sa panayam ng Palawan News kay Hermogenes Chua, ang namumuno sa SEWD, dulot ng palagiang buhos ng ulan sa main source nito sa Pulot Interior ang pagkakaroon ng overloading o sobrang pressure ng tubig kung kaya may mga tubo na pumuputok.

Halos mag-iisang linggo na rin ang pag-aayos ng kanilang mga tao, dagdag pa nito.

May mga linya ng tubig din sa mga national highway ang natatamaan ng mga equipment ng provincial government dahil sa mga road improvement.

“May mga leaks talaga na nangyayari, may mga linya tayo na pumuputok dahil sa lakas ng pressure talaga ng tubig lalo na ngayong panahon ng ulan kaya minsan pag may pumutok na linya need nating magkaroon ng interruption kaya halos lahat walang tubig talaga,tapos may mga linya tayo na natatamaan ng mga equipment ng province kaya napakahirap talaga,” pahayag ni Chua.

Ayon pa kay Chua, may mga pumuputok din na linya sa ibang bahagi ng mga barangay nito kaya halos apektado ang lahat ng consumers at kinakailangan nilang hindi magpakawala ng tubig sa buong bayan.

“Nagbawas na kami ngayon sa main control natin pero nangyayari pa rin talaga, kaya humihingi kami ng pasensya sa mga consumers natin na kapag naayos na ang lahat ng mga leaks maibabalik na rin natin ang tubig agad sa normal,” dagdag ni Chua.

Nilinaw din ni Chua na ang provincial government ang magsasagawa ng pagsasaayos sa mga linya ng tubig sa mga national highway na natatamaan ng kanilang mga equipment.

Previous articleEl Nido hospital to house another COVID-19 testing lab
Next articleCapitol condemns Sulu bombing
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.